ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Sinon 'Rogelia' Loresca sa laban ng buhay: 'Kailangan laging matatag ang ating loob'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Tampok sa darating na Sabado sa "Magpakailanman" ang kuwento ng buhay ng tinaguriang "Catwalk King" na si Sinon "Rogelia" Loresca. Sa likod daw ng masasaya niyang video, ibabahagi naman niya ang mga hirap at pagsubok sa buhay na kaniyang hinarap bago nakamit kung ano man ang mayroon siya ngayon.

READ: Alamin kung sinong aktres ang may taglay na 'gandang pang-masa' para kay 'Rogelia'

Sa Star Bites report ni Lhar Santiago sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Biyernes, itinuturing ni Sinon na katuparan ng pangarap ang paglalahad ng kanyang life story sa "Magpakailanman."

"Mahirap sa akin kasi masyadong marami akong pinagdaanan. Sa harap po ng mga ginawa kong nakatatawang videos, ito po ang makikita ng mga taong pait ng aking nakaraan," saad ni Sinon na siya mismo ang gaganap sa kaniyang buhay.

Hitik sa mga madamdaming eksena ang buhay ni Sinon. kabilang dito ang hindi pagtanggap ng mga magulang niya sa kanyang pagiging bading.

FIND OUT: Sino ang tatlong male celebrity na crush ni Sinon 'Rogelia' Loresca?

At ang pagsubok sa buhay nila ng kaniyang nakatatandang kapatid na babae nang magkasakit habang nasa London.

"Ito po yung moment na nagkasakit ang aking nakatatandang kapatid na babae. Ayoko pong ikuwento sa inyo ang full details dahil panonoorin n'yo ito at iiyak kayo dito," pahayag niya.

Gaganap bilang ate ni Sinon si Chynna Ortaleza, at mga magulang naman niya sina Sharmaine Arnaiz at Joko Diaz.

Nang kumustahin si Sinon tungkol sa kaniyang karanasan na makatrabaho ang mga batikang artista, tugon niya; "May kaba ako pero lagi ko pong iniisip na tanggalin ko ang kaba kundi mag-enjoy ako. Kasi sabi nga nila, batikan mang artista o baguhan man sa industriya, ang mahalaga may matutunan kang aral dito."

Samantala, sa Facebook post ng Eat Bulaga, inimbitahan ni Sinon ang mga dabarkads na tunghayan ang "Magpakailanman," at nag-iwan din siya ng ilang mensahe.



"Ang buhay po natin ay kailangan natin ng inspirasyon, kahit alam natin na wala tayong pera o malayo man tayo sa pamilya natin. Pero kung talagang bukal sa loob mo at nasa puso mo ang buhay natin, 'yon ang nararapat, kailangan po nating laging matatag ang ating loob," aniya. -- FRJ, GMA News