advertisement
Filtered By: Showbiz
Showbiz

How 'Case Solved' helped an innocent man gain freedom


 

Ilang linggo pa lamang ang nakalilipas mula nang ipalabas ang “Case Solved” na pinangungunahan ni Dingdong Dantes bilang host, kung saan tinatalakay ang iba't ibang landmark crime cases sa bansa.

Layon ng programa na mas mabigyang-linaw ang iba't ibang paraan ng crime prevention, pati na ang pasikot-sikot ng Philippine justice system.

Kaya naman hindi inaasahan si Dingdong na magkaroon agad ng pagkakataon ang mga bumubuo ng programa upang maging bahagi mismo ng isang kaso, at makatulong upang makamit ng isang tao ang hustisyang naipagkait sa kaniya.

“Hindi namin ine-expect na this early, on our fourth episode, mayroon talagang isang kaso na nakasama ang 'Case Solved.' We are practicing what we preach. Fortunate ako kasi ang galing ng mga tao behind the team. Everyone is dedicated, lahat ay ginagawa ang trabaho nila nang maayos at mabuti,” ani Dingdong sa isang panayam nitong Huwebes.

Sa kuwentong ibabahagi ng 'Case Solved' sa darating na Sabado, makikilala ng mga manonood si Dondon, isang binata na nasira ang mga pangarap para sa pamilya nang makulong dahil sa krimen na hindi naman niya ginawa.

Makalipas ang halos pitong taon, nakalaya na ang binata at naging malaking parte ng mga huling bahagi ng prosesong ito ang programa.

Kuwento ni Dingdong, “Sa mga nakaraang linggo, ang mga feature namin ay cases solved, 'yung mga tapos na. 'Yung iba nga, years nang nandiyan at alam natin very, kumbaga, landmark cases. This is the first time na naging instrumental ang show na 'Case Solved' sa proseso ng pagpapalaya sa case study namin. Naging parte ang 'Case Solved' sa pagiging case solved ng isang case study.”

Dalawang araw pa lamang nakakalaya si Dondon nang makausap siya ni Dingdong sa taping ng “Case Solved,” at nagpapasalamat ang Kapuso actor sa pagkakataong maging bahagi ng makabuluhang programa.

“I had the privilege of interviewing him, at kita talaga sa mga mata niya na nanghihinayang siya sa lahat ng taon na nasayang sa kulunga, but at the same time, looking forward siya sa pag-asa, sa bagong buhay, sa bagong chance para tumahak ng bagong landas,” aniya.

Sa maikling panahon ng pag-ere ng programa sa telebisyon, marami na raw natutuhan ang Kapuso host-actor sa mga case study na kaniyang nakakaharap linggo-linggo.

“Siguro 'yun ang pinakamahalaga—na makita natin kung ano ang value nito sa atin bilang viewers, bilang mga ordinaryong mamamayan. Maaaring mangyari sa atin ito, kaya kinakailangan talagang alam natin ang gagawin,” paliwanag ni Dingdong.

Pagtatapos niya, “Mahalaga ang buhay. Hindi mo talaga dapat sayangin sa mga bagay na maglalagay sa'yo at sa pamilya mo at risk... It is always wise to be vigilant, malaman kung ano ang mga karapatan, kung ano ang puwedeng gawin. Kailangang mabuhay nang mapayapa at tahimik at peaceful.

Mapapanood ang “Case Solved” sa GMA Network tuwing Sabado, pagkatapos ng “Eat Bulaga!” —JST, GMA News

LOADING CONTENT