Filtered By: Showbiz
Showbiz
WATCH

Dulce, emosyonal sa pag-awit ng classic hits ni Willy Cruz kasama ang 'Broadway Boys'


Hindi napigilan ng batikang mang-aawit na si Dulce na maging emosyonal habang inaawit ang mga nilikhang classic hit songs ng namayapang composer na si Willy Cruz kasama ang mga batang mang-aawit ng "Eat Bulaga" na tinawag na "Broadway Boys."

Matapos ang kanilang song number, tinanong ni Ryan Agoncillo kung sadyang malapit siya kay Willy kaya hindi niya mapigilan ang emosyon sa pagsariwa sa mga OPM song na nilikha ng batikang composer.

Ayon kay Dulce, maliban sa alaala ni Willy na nag-compose ng ilan kanta niya na naging theme song sa mga pelikula, hindi raw niya mapigilan na maging emosyonal dahil sa tuwa sa mga batang mang-aawit na kasama niya.

"Ayaw kong ganun sana yung maramdaman ko but upon hearing the voices of these boys medyo... kasi natutuwa ako actually kasi di ba ilang beses din naman akong  nag-judge and nakita ko silang lahat," naiiyak nang paliwanag ni Dulce.

"Masayang-masaya po ako na umabot sila hanggang dito, nakikita ko yung future ng Philippine music industry sa pamamagitan po ng mga batang ito," patuloy niya.

Maliban sa mga batang nakasama ni Dulce sa pag-awit, kasama rin niya sa naturang produksyon ang mga kabataang musician na nagwagi naman bilang mga "Music Hero" na silang tumugtog sa mga inawit nina Dulce tulad ng “Bituing Walang Ningning," "Kahit Na," at “Pangarap na Bituin."

Pumanaw si Willy Cruz noong nakaraang linggo dahil sa karamdaman.

Panoorin ang nakaantig na pag-awit ni Dulce at "Broadway Boys" sa mga markadong awiting nilikha ni Willy.


-- FRJ, GMA News

LOADING CONTENT