Filtered By: Showbiz
Showbiz

Madadramang eksena ng ‘Ika-6 Na Utos’ naging patok na memes sa social media


Tumitindi man ang alitan sa pagitan ng mga karakter nina Sunshine Dizon at Ryza Cenon sa "Ika-6 Na Utos" na sina Emma at Georgia, napapagaan naman ang mga tagpo ng magkaribal sa pamamagitan ng mga memes at comic strips.

Ang away ng dalawa dahil sa isang stroller na nauwi sa pagtutok ni Georgia ng Nerf Gun kay Emma, pinagmulan ng iba't ibang viral na post.

"Seryoso 'yong mga linya, tapos seryoso 'yong itsura namin tapos bigla akong nagtutok ng Nerf. So nakakatuwa kasi maraming natutuwa doon sa mga eksena namin kahit medyo mabigat, tapos alam mong madaming nanonood," ani Ryza sa isang panayam ng Unang Balita nitong Miyerkules.

Ang pinag-aagawan naman ng dalawa na si Gabby Concepcion, natuwa rin sa mga likha ng mga fans sa social media.

"Naimpress ako dahil ngayong lang din ako nakakita ng dinodrawing ako at ang iba [kong] kasama. Maraming salamat sa contribution ninyo," ani Gabby, na pinuri din ang galing sa pag-conceptualize ng mga fans.

Asahan pa raw ng mga manunuod na iinit pa ang mga eksena sa hit show ng GMA Afternoon Prime. —ALG, GMA News