Nabigyan ng bagong pag-asa ang dalawang OFW at isang nagbabalak mag-abroad matapos silang manalo ng Mega Jackpot na tumataginting na P1 milyon, house and lot at bagong kotse sa Wowowin.

At sa gitna ng kasiyahan, nagtapat din ng pag-ibig ang lalaking winner sa isa sa mga babaeng contestant.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing sina Edmar "Emay" Rimano, Maria Christine Joy "Tintin" Tablizo at Rhoda "Udeng" Navarro ang ika-pitong Mega Jackpot winners sa "Pera O Kahon" segment.

Nahirapan pa sila sa pagdi-desisyon dahil umabot sa P350,000 ang alok na pera ni Kuya Will. Ngunit sa huli, nanindigan ang tatlo sa pagpili ng kahon.

"Sa simula pa lang kahon ako nang kahon kasi para sa mga anak ko, para sa future nila para hindi na rin po ako umalis, makasama ko na po sila, may puhunan na po kami," sabi ni Udeng.

"Gusto ko na po talaga kunin 'yung pera kasi mahirap po talaga ang buhay, malaking pera na po 'yun. Kaso nararamdaman ko po 'yung mga tao saka napanaginipan ko na naka-orange ako na may napanalunan daw ako, itong-ito ang damit ko," ayon kay Emay.

Kaya naman naiyak, natulala, at labis na nagpasalamat sina Udeng, Emay at Tintin.

Bago ang kanilang pagsali, may kaniya-kaniya ring hirap na pinagdaanan ang tatlong OFW para mabigyan ng magandang buhay ang pamilya.

Nagtrabaho si Emay bilang mekaniko sa Jeddah ng dalawang taon, habang kasambahay si Tintin sa Dubai sa loob ng limang taon.

Naglalako naman ng prutas sa Baclaran si Udeng habang inaasikaso ang papeles para mag-Taiwan.

Malaking tulong na aniya ang kanilang pagkapanalo.

"Malaking bagay po ito hinding-hindi na po ako aalis, hindi ko na sila iiwan, makakapanimula na ito sa negosyo at kasama ko sila maaalagaan po," sabi ni Udeng.

"Sana nga po matupad na pangarap ko na hindi na kami maghiwalay. Magkaroon na lang ako ng kahit maliit na negosyo para maalagaan ko anak ko," ayon kay Tintin.

Sa gitna naman ng kasiyahan, may pagtatapat din si Emay kay Tintin.

"Kung para talaga tayo sa isa't isa pakakasalan kita... Tapos may sarili na nga talaga tayong bahay kung sakali, kasi sobrang lucky natin, sariling lupa at bahay 'yun, kaya sana tayo talaga ang tinadhana," alok ni Emay kay Tintin. —Jamil Santos/ LDF, GMA News