"We respect the relationship of others." Ito ang inihayag ni Barbie Forteza nang hingan ng komento tungkol sa paghihiwalay ng ibang showbiz couple, Kasabay nito, inihayag ng Kapuso ang sikreto kung bakit nananatiling matatag ang relasyon nila ni Jak Roberto.

"Actually, kumbaga parang it's not our business to begin with. Hindi naman namin alam ang pinagdaanan nu'ng iba, hindi naman namin alam kung ano 'yung pinagdaanan ng relationship nila so it's not for us to judge," sabi ni Barbie nang makapanayam ng showbiz reporters sa media conference ng "Anak ni Waray vs Anak ni Biday" kamakailan.

"Hindi naman 'yun para sa amin para halukayin pa namin, 'O dapat ba may ma-feel tayo about that.' So kami, we mind our own business and we respect the relationship of others," dagdag pa ni Barbie.

Inilahad naman ni Barbie ang sikreto sa magtatatlong taon na nilang relasyon ni Jak.

"Patience sa side niya," natatawang sabi ni Barbie. "Tsaka communication, siyempre dapat hindi mawala 'yan kahit hindi kami nagkikita, araw-araw pa rin kaming magkausap, ke video call 'yan o tawag o text, nag-a-update pa rin naman kami sa isa't isa."

"And trust, pagpasensiya, pag-understand sa schedule ng isa't isa kasi hindi naman na parehas 'yung schedule namin unlike before na magka-work kami."

Hanga raw si Barbie na walang yabang ang kaniyang nobyo.

"Napakadaling kasama ni Jak, 'yung wala siyang kahit na anong ere sa katawan na, 'Hindi ako muna! Ako muna!' 'di ba? May mga ganoon eh. Siya talaga, alam namin ang priorities namin sa buhay. So nagkakaintindihan kami sa part na 'yon."

Focus muna sina Barbie at Jak na magkaroon sila ng long-term relationship, na mahirap na raw ma-achieve sa panahon ngayon.

Hindi pa naman din nila napag-uusapan ang tungkol sa kasal.

"Wala naman, wala pa namang serious conversations about that," sabi ni Barbie.

--FRJ, GMA News