Isang napaka-sweet at romantic na dinner ang hinanda ni Derek Ramsay sa kasintahan na si Andrea Torres bilang part two ng kaniyang bonggang Valentine's Day surprise.

Sa kanilang date, sinagot nila kung ano ang nagustuhan nila sa isa't isa, at ano ang mga bagay na looking forward pa sila sa kanilang relasyon.

Ibinahagi ito nina Andrea at Derek sa kanilang "Andrek Vlogs," kung saan nagkaroon sila ng Q&A Valentine's Day edition.

Sinagot nila ang tanong kung bakit nagwo-work ang kanilang relationship.

"No pretensions, relax, as in relax talaga. I don't know, siguro kasi tanggap namin 'yung isa't isa eh," sabi ni Andrea.

Ayon naman kay Derek, "Andrea is beautiful inside and out, that's a bonus. Our families just really get along, they love each other, we enjoy each other's company."

Inihayag din ni Andrea kung ano ang kinaiinisan niya kay Derek.

"wala eh, I accept him for who he is. As in pati 'yung mga bagay na kinailangan kong mag-adjust. Pero hindi ako naiinis doon," anang aktres.

"Everything, adorable to your family, you're so respectful to your family. It's hard not to love you," sabi naman ni Derek tungkol sa kung ano ang gusto niya kay Andrea.

Sinagot din nila ang tanong kung ano ang "memories" na gusto nilang magkaroon sa future.

"Nako marami. Lagi kong sinasabi sa kaniya na, 'Gusto ko maraming kids. Ahahaha! Gusto kong magka-kids, gusto kong mag-travel. Nai-imagine ko 'yung sarili namin na matanda na kami tapos nagwo-walking walking kami or gumagawa kami ng whatever form of exercise. 'Yung ganoon,'" sabi ni Andrea.

Si Andrea na nga ba ang "the one?"

"I can say that with confidence, of course," ani Derek.

Espesyal ang dinner na inihanda ni Derek, na isang plato ng mga ulo at mata ng isda na paboritong kainin ni Andrea, at steak.

May live music pa mula kina JP Bacallan ng Rawstarr Records na kinanta ang "Lay Me Down," at ng Acdmnd$ na kinanta ang "Ice."

Bago nito, sinubukan daw muna ni Derek na sobrang inisin si Andrea "to get her to loose her mind." "Hurtful" kung mailalarawan ni Andrea ang mga pinagsasabi sa kaniya ni Derek, na kalauna'y mga biro lang pala para sa bonggang Valentine's surprise. —Jamil Santos/LBG, GMA News