Inihayag ni Chef Boy Logro na "pogi points" para sa isang lalaki kung marunong magluto. Katunayan, marami raw ang nagkagusto sa kaniya dahil sa husay niya sa pagluluto.

Sa programang "Idol sa Kusina," natanong ni Bryan Chong si Chef Boy kung naranasan niya na walang ka-date kapag Valentine's Day.

"Alam mo, wala. Kasi ang dami sa aking nagkandarapa," birong sabi ni Chef Boy.

"Siyempre kapag masarap magluto marami talagang gustong maging jowa ka... Pogi points 'yon!" dagdag niya.

Gayunman, sinabi ng kilalang chef na ang kaniyang asawa ang talagang nagkagusto sa kaniya.

"Kaya lang 'yung wife ko very strict eh. Isa lang talaga ang nagkagusto sa akin at siya lang talaga ang aking last," pahayag niya.

Kuwento pa ni Chef Boy, malapit na silang mag-golden anniversary ng kaniyang asawa dahil mahigit 40 taon na silang nagsasama.--Jamil Santos/FRJ, GMA News