Natutuwa si Maine Mendoza sa mainit na pagtanggap ng mga manonood sa bagong segment ng "Eat Bulaga" na "Bawal Judgmental." Pag-amin niya, sadyang kung minsan ay hindi talaga nila maiwasang maging emosyonal dahil sa mga kuwento ng mga pinagpipilian ng player.

"Minsan talaga hindi namin mapipigilan na mga host na maiyak talaga dun sa mga istorya nung mga choices namin," sabi ni Maine sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes.

ALAMIN: Bakit kinagigiliwan ngayon ng mga Pinoy ang 'Bawal Judgmental' ng 'Eat Bulaga'?

Pero kung minsan, sa halip na luha, kilig ang nangingibabaw sa mga dabarkads tulad nang nangyari sa dalaga at binatang piloto na minsang nakasama sa mga pinagpilian.

WATCH: These two pilots serve kilig vibes on Eat Bulaga's 'Bawal Judgmental'

Nang tanungin naman si Maine kung gusto ba niyang sumabak na maging manlalaro sa naturang segment, sagot niya, "Opo naman. Nakakakaba saka intuition lang po talaga yung susundin mo eh pero parang wala pa pong nagja-judge sa mga host so sana po mabigyan ako ng chance."

Samantala, ganap na ngayong recording artist si Maine dahil sa kaniyang first ever single na “Parang Kailan Lang.”

Dati na raw sumubok si Maine sa pagkanta nang i-record niya ang isang awit para sa soundtrack ng pelikula nilang “Imagine You and Me.”

"Medyo kinakabahan ako kasi hindi alam kung magugustuhan ba ng fans. Siyempre yun din naman gusto ko mangyari sana po magustuhan nila," ayon kay Maine.-- FRJ, GMA News