Pressured pero tinatanggap ni Bianca Umali ang challenge na makaeksena niya sina Megan Young at Alice Dixson bilang kaniyang mga "karibal" kay Dennis Trillo sa upcoming Kapuso series na may working title na "Legal Wives."

Sa panayam sa kaniya ng GMA News Online nitong Martes, inilahad ni Bianca na "step up" para sa kaniyang career ang "Legal Wives."

"Isang malaking step up siya sa career ko. And it's a very challenging role for me na hindi ko lang puwedeng ikuwento [kung] bakit or kung ano 'yung pagdadaanan ng character ko. But, bagong chapter," saad niya.

"Flattering" daw na isa si Bianca sa magiging isa sa mga leading lady ni Dennis.

READ: Dennis Trillo, tatlo ang asawa sa 'Legal Wives'

"Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko actually, kasi ibinigay sa akin 'yung project surprise din siya noong in-announce sa akin. Pero I'm very happy and of course, gagalingan ko kasi sobrang laki ng project," saad niya.

Gagampanang ni Dennis sa serye ang role na isang Maranaw Muslim royalty, na may tatlong asawa, na pinapayagan sa naturang kultura at relihiyon.

Dati nang nakatrabaho ni Bianca si Dennis sa Kapuso fantaserye na "Mulawin vs. Ravena" noong 2017.

"Isa siya sa mga poste talaga dito sa ating network bilang artista, so yes of course! At ang makatrabaho siya, masarap katrabaho si kuya Dennis, masarap siyang kasama sa eksena," anang aktres.

First time rin ni Bianca na makatatrabaho sina Megan at Alice, at nakararamdam siya ng pressure.

"Of course pressured kasi ako 'yung youngest eh, so pressure," sabi ni Bianca na itinuturing ding challenge ang makasama ang dalawa para pagbutihin ang kaniyang trabaho.

Natanong si Bianca kung handa na ang kaniyang karakter na makipagsabayan din sa acting nina Megan at Alice.

"Abangan nila, we'll see. I think 'yung mga taong makakapanood ang makakapaghusga noon."--FRJ, GMA News