Muling ibinabalik ng Kapuso Network ang mga hit teleseryes nito sa telebisyon, kabilang na ang Encantadia, Ika-6 Na Utos at Kambal, Karibal.

Muling mapapanood ang mga Sang'gre na sina Amihan, Danaya, Alena at Pirena sa GMA Telebabad simula Huwebes, Marso 19 ng 7:45 p.m. pagkatapos ng 24 Oras.

Pinagbibidahan ito nina Kylie Padilla (Amihan), Sanya Lopez (Danaya), Gabbi Garcia (Alena) at Glaiza De Castro (Pirena).

Panandalian nitong papalitan ang Philippine adaptation ng Descendants of the Sun, matapos ianunsyo ng GMA-7 na pansamantala nitong ihihinto ang produksyon ng kanilang entertainment programs alinsunod sa alituntunin ng gobyerno para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Balik-Telebabad din ang "Kambal, Karibal" na pinagbibidahan nina Bianca Umali, Kyline Alcantara, Pauline Mendoza at Miguel Tanfelix.

Kuwento ito ng magkambal na sina Crisanta at Criselda, ngunit isa sa kanila ang mamamatay. Pero dahil sa isang misteryo, magagawang sumapi ng yumaong kapatid sa katawan ng isa pang tao.

Panandalian nitong papalitan ang Anak ni Waray vs. Anak ni Biday, na mapapanood simula nitong Miyerkoles, Marso 18 ng 8:35 p.m.

Susundan naman ito ng "My Husband's Lover" simula Lunes, Marso 23 ng 9:20 p.m. kapalit ng "Love of My Life."

Pinagbibidahan nito nina Dennis Trillo bilang si Eric at real-life couple na sina Carla Abellana, bilang Lally, at Tom Rodriguez, bilang Vincent.

Balik din ang hit at top-rating na Kapuso Afternoon Prime series na Ika-6 Na Utos, tampok ang pag-aagawan nina Emma at Georgia sa pag-ibig kay Rome.

Pinagbibidahan ito nina Sunshine Dizon, Ryza Cenon at Gabby Concepcion, na panandaliang papalitan ang mga GMA Afternoon Prime shows na Magkaagaw, Prima Donnas at Bilangin ang Bituin sa Langit. —Jamil Santos/LBG, GMA News