Nasa loob man ng kani-kanilang bahay dulot ng community quarantine na idineklara ng gobyerno para malabanan ang COVID-19, nakaisip ng paraan ang ilang Kapuso stars para maging productive pa rin ang kanilang oras. Mayroon din silang mensahe sa gitna ng sitwasyon.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras," makikita na sinimulan ng bagong kasal na sina Joyce Ching at Kevin Alimon ang isang prayer vlog sa Instagram.

Gusto raw nilang magbigay ng pag-asa sa iba na pinanghihinaan ngayon ng loob dahil sa mga nangyayari.

Ginawa namang livestream worship ng bagong kasal ding sina Joyce Pring at Juancho Trivino ang pagdalo nila sa church.

Hinikayat din ni Joyce ang publiko na pagtuunan din ng pansin ang pangangailangan ng kaluluwa sa mga panahong ito.

Nagpaunlak na lang ng online interview si Ken Chan dahil sa social distancing. Ayon kay Ken, kumapit din tayo sa ating pananampalataya, bukod sa pag-iingat sa ating katawan.

"Pinakamabisa sa lahat 'yung panalangin natin, ito 'yung pinakaimportante sa lahat dahil sa Diyos walang imposible," sabi ni Ken.

Miss na raw ni Sofia Pablo ang kaniyang mga kaibigan sa Prima Donnas taping, pero meron naman silang online group ng kaniyang co-stars para magkamustahan.

"Hindi po talaga. Nakaka-miss din po mag-taping," sabi ni Sofia.

Sa halip na walang gawin sa bahay, ginamit ni Sofia ang kaniyang oras para mag-aral at mag-exercise kasama ang kaniyang alagang aso. Higit sa lahat, tumutulong din siya sa kaniyang mga magulang sa gawaing bahay.

"Si mommy po tagaluto, tapos ako po 'yung naghuhugas ng mga hugasin or minsan nagwawalis din po ako... Nag-aaral din po ng script tapos nagpapahinga rin po kasi siyempre health po muna,"  sabi ni Sofia.--Jamil Santos/FRJ, GMA News