Inihayag ni Marvin Agustin ang kaniyang pangamba na maaaring nakuha niya rin ang coronavirus disease 2019 (COVID-19). Pero hindi  pa siya nasusuri dahil na rin sa kakulangan ng test kits at pagaling na ang kaniyang sakit.

Sa kaniyang Tweet, ipinakita ni Marvin na nagkaroon siya ng lagnat ng tatlong araw. Gayunman, wala siyang maalala na may nakasalamuha siyang Person Under Investigation (PUI), o sino mang nakalapit sa taong infected ng virus.

Hindi na rin daw niya nakasasalamuha ang kaniyang ina na sumasailalim sa chemotherapy dahil sa cancer.

 

 

"Wala ako maaala na contact with any PUI. But since last Friday, wala na ako physical contact with my mom who lives me that had undergone chemo coz of cancer," anang aktor.

Bukod sa lagnat, nakaranas din daw si Marvin ng dry throat, mild coughing at severe headache.

 

 

Sa isa pang Tweet, sinabi ng aktor na na-"paranoid" ang kaniyang pamilya sa nangyari. Hindi pa siya nasusuri sa COVID-19 lalo pa't pagaling na siya.

"I cant get tested kasi wala na ako symptoms at hindi na daw ako priority to get tested dahil limited pa din ang testing kits," anang aktor.

 

 

"Nakakalungkot pero yun ang sitwasyon at kailangan maging pasensyoso sa paghihintay," saad ni Marvin.

 

 


Nito lang Martes, inihayag ng beteranong aktor na si Christopher de Leon na positibo siya sa naturang virus.

Ayon sa World Health Organization, ang mga kadalasang sintomas ng COVID-19 ay lagnat, pagkahapo, at dry cough. Gayundin ang pananakita ng kalamnan, nasal congestion, runny nose, sore throat o diarrhea.--FRJ, GMA News