Naging mas makabuluhan pa ang ika-33 kaarawan ni Rocco Nacino nang bisitahin niya ang mga pulis at sundalo na nagbabantay sa mga checkpoint sa Cainta, Pasig at Taguig para handugan ng pagkain at malamig na inumin.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing bukod sa pamimigay ng pagkain, naglaan din si Rocco ng oras para makipagkuwentuhan sa mga frontliner na nagbabantay sa mga checkpoint.

Suot ni Rocco ang kaniyang personal protective equipment at inooberbahan din nila ang social distancing.

"I felt that it would be selfish kaya mas naramdaman ko 'yung na mas gusto ko i-spread 'yung kasiyahan na mararamdaman ko sa birthday ko with them," saad ng Kapuso actor, na gumaganap bilang si Technical Sergeant Diego Ramos aka Wolf sa Pinoy adaptation ng "Descendants of the Sun."

Ayon kay Rocco, isang Philippine Navy Reservist, hindi matatawaran ang kaniyang naramdaman nang bisitahin niya ang frontliners, at lalo pa siyang na-inspire sa mga narinig niyang kuwento sa kaniyang pagbisita.

"To see them, nakaramdam ako ng...kahit paano, awa eh kasi sa totoo lang nandoon kami mga 11 a.m. tirik na tirik na 'yung araw, they were in uniform. I was in uniform, suot ko 'yung Navy uniform ko at grabe na 'yung pawis ko. So what more pa sa kanila na buong umaga andoon sila, hanggang gabi nakapuwesto sila sa checkpoints nila," sabi ni Rocco.

"I felt pity pero naramdaman ko 'yung strength tsaka hope na meron sila. Noong nag-uusap kami, sabi ko 'Mga sir, mga ma'am, kaya niyo 'yan, konti na lang 'yan," kuwento pa niya.

Sinaluduhan ni Rocco ang sakripisyo ng iba pang frontliners tulad ng mga doktor, nurses at iba pang kababayan na patuloy sa paglilingkod.

"Ang pinakapuwede nating gawin, is to cheer them on, best way talaga is to just stay at home. Sa mga kailangan talaga lumabas, please follow the guidelines at sumunod," saad niya.

"At kung gusto niyong tumulong, nandiyan ang Kapuso Foundation, puwede kayong mag-donate doon," dagdag ng aktor.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News