Habang umiiral ang enhanced community quarantine at hindi pa rin puwedeng magpunta sa gym o gumala sa labas, ginagawa na lang ng ilang celebrity ang kanilang workout sa bahay upang manatiling healthy.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing "me time" o extended vacation kung ituring ng ilan ang community quarantine kaya hindi maiwasan na maparami ang kain, binge watching o paglalaro ng video games.

Pero payo ang mga doktor, galaw-galaw din ngayong enhanced community quarantine dahil kung walang aktibidad ang katawan, magiging prone ang isang tao sa mga sakit gaya ng hypertension, obesity at iba pang cardiovascular diseases.

Kahit nasa bahay lang, puwede pa rin naman magpapawis tulad nina Lovi Poe, Kris Bernal at Martin del Rosario, para mapanatiling maayos ang pangangatawan at kalusugan.

Si Lovi, sinasamahan ng dance moves ang kaniyang pag-treadmill, habang ginagawa naman ni Kris ang kaniyang pushup routines.

Si Martin, nakaharap pa sa salamin habang nagba-back exercise, crunches at military dumbell press na parang nasa gym.

Ipinakita naman ng veteran volleyball player na si Rachel Anne Daquis ang iba't iba niyang routines gamit ang tissue rolls.

Mayroon namang DIY home workout si Rochelle Pangilinan, na naisisingit  niya sa mommy duty.

"Tuwing umaga kasi tinitiyempuhan ko talaga na tulog silang mag-ama ko para 'yung me-time ko talagang akin lang. Hindi problema [ang walang gamit sa bahay]. Actually puwede mong gamitin ang body weight mo, 'yun pa. Kasi sa akin doon ako nagsimula eh," anang dating Sexbomb dancer.

Ipinakita ni Rochelle ang kaniyang exercise, na kinabibilangan ng warm-up at brisk walking sa hadgan na puwedeng paikot-ikot lang sa loob ng bahay. Sinasamahan niya rin ito ng squat exercises para mapalakas ang leg at knee muscles.

"Isa pa 'yung technique, gradual at hindi mo puwedeng biglain kasi mahirap nang maaksidente, mahirap nang mabalian," paliwanag ni Rochelle.

Mayroon ding jumping jacks para pataasin ang heart rate. Puwede ring gawing dumbell replacement ang dalawang plastic bottles na may tubig para pampalakas ng upper body muscles.

Tapusin ang workout sa stretching. Gawin ang pag-e-ehersisyo nang regular para maging malusog ang pangangatawan.

"Dati noong nagsisimula ako bilang unti-unti ang ginawa ko three times a week every other day. Or kaya ngayon nagfa-five times a week na ako. Tapos 'yung sets niya, ginagawa ko siyang two sets, kahit ngayon, 10 to 2 'pag repetition, okay siya," sabi ni Rochelle. —Jamil Santos/FRJ/KG, GMA News