Nakalabas na ng ospital ang beteranong aktor na si Christopher "Boyet" de Leon na nag-anunsyo noong nakaraang linggo na nagpositibo siya sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa Instagram Stories ng asawa ni Boyet na si Sandy Andolong, makikita ang larawan ng aktor na bumababa sa isang van na may suot na face mask.

"He is finally home," saad ng aktres sa caption ng larawan at pinasalamatan ang medical team na nag-asikaso sa kaniyang mister.

 

IG: Sandy Andolong
IG: Sandy Andolong

 

Ibinahagi rin ni Sandy video conference call ng kanilang pamilya na makikita si Boyet na nakahiwalay pa rin sa kanilang bahay.

Marso 17 nang ipahayag ng aktor sa kaniyang Instragram ang pagiging positibo niya sa COVID-19. Hindi alam ni Boyet kung papaano niya nakuha ang virus dahil hindi naman umano siya bumiyahe sa labas ng bansa at walang kilalang tao na nakasalamuha na positibo sa virus.

Ginawa ni Boyet ang pag-anunsyo para mabigyan din ng paalala ang mga taong nakasalamuha niya na mag-quarantine at makipagtulungan sa mga awtoridad.--FRJ, GMA News