Itinuturing na persons under investigation (PUI) sa COVID-19 si Eat Bulaga host Ruby Rodriguez, ang kanyang mister at kanilang anak.

Ito ay dahil may close contact sila sa kapatid ni Ruby na si Dr. Sally Gatchalian, na pumanaw dahil sa COVID-19, ayon sa ulat sa 24 Oras nitong Sabado.

Si Dra. Gatchalian ang ika-siyam na doktor na binawian ng buhay dahil sa COVID-19.

Ayon kay Ruby, tapos na sana nitong Linggo ang quarantine period nilang mag-anak ngunit dahil sa close contact sa kanyang kapatid ay in-extend ito ng isa pang linggo.

Presidente ng Philippine Pediatric Society si Dra. Gatchalian.

Sa Instagram post ni Ruby kamakailan, sinabi nitong mahal na mahal niya ang kanyang ate.

“I love you so much my big sister (heart emojis) smile say hi to Mom Dad and manong robert. Be at peace do not worry about us anymore. Have fun in heaven! Love you so much!!!” she added.

Ayon sa Department of Health, may naitalang 1,075 na kaso na ng COVID-19 sa bansa base sa datos hanggang 4 p.m. nitong Sabado.

Umabot na sa 68 ang nasawi, habang 35 naman ang naka-recover.

BASAHINCOVID-19 Dashboard: Summary of Cases in the Philippines

—KG, GMA News