Bukod sa mga tao, posible ring makaramdam ng pagkabagot sa bahay ang mga pet animal kung hindi rin sila nakalalabas ng bahay habang ipinatutupad na enhanced community quarantine. Kaya naman ang ilang Kapuso star, may tips para aliwin ang mga fur baby.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing normal nang aktibo ang mga hayop at maraming reserbang energy sa katawan lalo na kung hindi sila nakalalabas ng bahay para maglakad o maglaro.

Kaya naman maigi raw na bigyan din ang mga hayop ng mga aktibidad kahit nasa loob lang ng bahay o bakuran.

Tulad na lamang nina Martin del Rosario at Ashley Ortega na pinagsasabay ang activity at attention sa kanilang pets na kasa-kasama nila sa workout.

"Kapag nagwo-workout ako, ginagawa ko silang mga dumbbells since wala naman akong dumbbell dito sa house," kuwento ni Ashley.

Nagpaalala naman si Jasmine Curtis-Smith na "prevention is better than cure" lalo ngayong panahon ng enhanced community quarantine.

Mas madali raw ma-dehydrate ang pets kapag mainit ang panahon.

"I make sure na dahil din sa init ng panahon, minsan dito rin nagkakaroon ng mga sakit 'yung aso... Ayaw din naman nating magkaroon ng sakit ang ating mga aso kasi this would mean na kailangan nating lumabas, maghanap ng vet. So I just make sure meron din silang laging bowl of water na accessible for them sa loob ng bahay," saad ng bida sa "Descendants of the Sun."

May paalala naman ang paw parents na sina Tom Rodriguez at Carla Abellana tungkol sa pets at COVID-19.

Hindi pa raw katibayan na maaaring mahawa talaga ng virus ang mga aso o pusa pero "better to be safe than sorry."

Payo nila, ingatan ang mga alaga dahil tulad ng buhok ng tao, puwedeng kumapit ang virus sa mga balahibo ng pets at ma-transmit sa mga taong hahawak sa kanila.

Obserbahan pa rin daw ang social distancing at sanitizing para kontrahin ang COVID-19, at huwag palabasin ang fur babies kahit gusto nilang umihi o dumumi.

"Hindi naman puwedeng bawat labas, paliguan, or hindi naman puwedeng i-spray ng lysol, siyempre that will be dangerous for them din. So try to expend their energy as much as possible indoors," payo ni Tom.

"Lahat naman tayo kahit paano, may space naman in our households para doon na lang nila gawin. Kung wala mang outdoor area tulad ng garahe, backyard o garden, puwede namang sa loob na lang ng bahay, maglagay lang sila ng newspaper o 'yung mga nabibili na puppy pad, wiwi pad, para opportunity 'yun na maturuan sila na doon na lang sila muna," payo ni Carla.--Jamil Santos/FRJ, GMA News