Ikinuwento ni Paolo Contis kung papaano niya nagamit ang "old school" na paraan sa paggawa noon ng pelikula sa paglalapat niya ng tinig sa karakter ni Ponsiyo Pilato sa darating na Lenten Special ng GMA Network na "Jesus: His Life."

Bagaman hindi umano madali ang unang pagkakataon ni Paolo na mag-dub sa isang dayuhang serye, sinabi ng aktor na nagamit niya ang karanasan sa lumang paraan noon ng paggawa ng pelikula kung saan nilalapatan nila ng boses ang sarili nilang karakter.

READ: Martin del Rosario, gustong-gusto ang role na Judas

READ: Sanya Lopez, naiyak habang binibigyang-boses si Mary Magdalene sa ‘Jesus: His Life’

Mahalaga umano na sabay sa buka ng bibig ni Pilato ang kaniyang boses habang binabasa niya ang dialogue ng karakter.

"Mahirap din. Pinapakinggan ko yung English voice nila habang sinusundan ko na hindi magmukhang binabasa yung sinasabi," saad niya, sabay sabi na kailangan mabigyan niya ng justice ang acting na ginawa ng taong gumanap bilang si Pilato sa serye.

Ayon pa kay Paolo, ibinagay niya ang boses niya sa malakas na karakter ng gumanap na si Pilato.

"Very strong naman talaga yung karakter niya, binagay ko lang  sa hitsura niya saka sa inaarte niya, binagay ko lang kaya.  Malamang kaya ako yung kinuha; Ponsiyo Pilato talaga yung dating," natatawa niyang sabi. --FRJ, GMA News