Naging madamdamin ang ilang Kapuso stars sa pag-alala sa pumanaw na Director of Photography na si Joseph (Seph) de los Reyes, na kanilang nakatrabaho sa iba't ibang GMA shows.

Ipinagmalaki ni Bianca Umali na si Joseph ang nasa likod ng magandang visuals ng paborito niyang show na kaniyang pinagbidahan na "Sahaya."

"Ako po personally may natutunan din po ako kay Joseph, at 'yun po ay 'yung maging simple ka lang, mahalin mo lang kung ano 'yung ginagawa mo, 'yun din po ang nakita ko sa kaniya," sabi ni Bianca.

Si LJ Reyes naman, higit 10 taon nang kilala si Joseph.

"Nakakatuwa si Joseph. 'Pag nakilala mo siya, napaka-positive na tao, masayahin. Ang pinakagusto ko sa kaniya, very hardworking siya," pag-alala ni LJ.

Si Buboy Villar naman, naging "kuya" na si Seph sa "Inday Will Always Love You."

"Wala akong masabi. 'Yung passion niya sa trabaho, na parang hindi lang siya nagtatrabaho dahil gusto niya lang. Nakikita mo sa kaniya 'yung, 'pag kinakausap ka niya kasi, sobrang kumportable mo agad sa kaniya," balik-tanaw ni Buboy Villar.

"Sobrang gaan niyang katrabaho. Bakit sobrang bilib ako na tao sa kaniya? Kasi kahit madaling araw niya kaya pa ring magmukhang tanghali," dagdag ng aktor.

"Nakakalungkot din po dahil 'yung taong lagi mo ring kasama, alam mong hindi mo na makakatrabaho at 'di mo na makikita," sabi ni Archie Alemania.

"Ang tanda ko kay Joseph napakamasayahin niya na napakasipag. Biruin niyo kahit, anong oras na kaming abutan, alas-dos, alas-tres, gusto niya lagi maganda pa rin 'yung shots niya. Hindi siya bara-bara, gusto niya maganda pa rin 'yung ilaw niya, gusto niya maganda pa rin 'yung lalabas sa screen," ayon pa kay Archie.

Bukod sa tribute, layunin ng mga Kapuso star na makalikom ng pondo para sa naulilang pamilya ni Joseph.--FRJ, GMA News