Inihayag ni Faye Lorenzo na kung siya ang papipiliin, gusto niyang maging isang kontrabida sa isang series dahil ito ang kaniyang dream role.

"Parang gusto ko 'yung kontrabida. Gusto ko lang magmaldita," sabi ni Faye sa panayam ng #RealTalk ng GMA News and Public Affairs.

Isa si Faye sa mga rising star ngayon ng Kapuso Network, na nag-viral sa "Shoplifter" comedy sketch ng "Bubble Gang."


"Komedyante talaga ako, masayahin akong tao," sabi pa ng 23-anyos na mestiza beauty.

Hindi lang kagandahan at kaseksihan, kundi kaya rin daw ni Faye na ipakita ang kaniyang talento.

"Bata pa lang ako gusto ko na talagang maging artista. Gusto kong umarte, gusto kong makilala and then gusto kong makita ng mga tao na may talent ako," saad ng "Bubble Gang" babe na ang goal ay maging isang magaling na aktres.

Pagdating sa magandang hubog ng kaniyang katawan, sinabi ng Kapuso star na nakatulong ang kaniyang pagiging vegetarian.

"Actually, sa akin, nag-vegetarian na kasi ako. Nakakatulong siya sa akin mag-lose ng weight and at the same time, healthy ‘yong kinakain ko. Nagbo-boxing din ako and naggi-gym pero healthy diet talaga para mas maganda ‘yong outcome sa katawan mo," paliwanag niya.

"Ang pakiramdam ko, simula [nang] nag-vegetarian ako, mas lumakas ako. Kaya ko na mag-workout ng two hours nang hindi ako pagod na pagod. Tapos ‘yong skin ko, mas maganda, mas glowing. Marami talaga siyang benefits sa katawan," patuloy niya.

--FRJ, GMA News