Patuloy na humihingi ng dasal si Senador Bong Revilla para sa paggaling ng kaniyang amang nasa ospital na si dating senador at aktor na si Ramon Revilla Sr.

"Daddy is going through a rough time. Please continue to pray for him," saad ni Bong sa Facebook post nitong Huwebes.

Ilang linggo nang nakaratay sa ospital ang nakatatandang Revilla matapos na makaranas ng hirap sa paghinga.

Hindi isinailalim sa angioplasty ang 93-anyos na si Don Ramon dahil nakitang mahusay ang kondisyon ng kaniyang puso.

Nitong nakaraang Lunes, nag-post si Bong ng video kung saan ipinagdiwang nila ang Father's Day sa kuwarto ng kaniyang ama.

"Masaya naming naipagdiwang ang Father's Day kasama si Daddy sa kanyang tahanan. Sa kwarto niya nakadisplay ang pinakamahalagang tropeyo niya sa buhay — kaming mga anak niya," anang senador.

Makikita rin sa video ang nakatatandang Revilla habang nasa ospital na binisita ng senador. --FRJ, GMA News