Grateful si Liezel Lopez sa mga magagandang karanasan at natutunan nang maging bahagi ng Kapuso series na "Babawiin Ko Ang Lahat." Ang isa sa kaniyang unforgettable experience sa serye ay nang mainom niya ang tubig sa fountain sa isang fight scene nila ni Pauline Mendoza.

"Nahirapan lang ako 'yung nainom ko 'yung tubig... sa fountain. May part doon na hindi ko na nakikita kung ano 'yung nangyayari," natatawang kuwento ni Liezel sa Kapuso Showbiz News.

"Pero sobrang...mukha siyang totoo. Pero in reality wala namang nasaktan sa atin, di ba Pau?" pagpapatuloy ni Liezel.

Ang tinutukoy ni Liezel na eksena ay nang apihin ng karakter niyang si Trina ang half-sister na si Iris (Pauline) nang utusan niya ito sa hardin at pagsuotin ng bihis ng isang katulong.

Gayunman, hindi na nakatiis si Iris, at nauwi sila sa pisikalan.

"I think nag-enjoy naman pa kaming dalawa. Kung ibi-visit niyo 'yung Instagram ni derek Jules [Katanyag] may picture pa kaming dalawa no'n after ng scene," sabi naman ni Pauline bilang tugon sa kuwento ni Liezel.

"Gustong-gusto namin 'yang mga ganiyang eksena," natatawang sabi ni Liezel.

Nang tanungin kung ano ang best gift na nakuha niya habang ginagawa ang proyekto, tugon ng aktres: "'Yung naging second family ko 'yung mga co-actors ko, I think that's the best gift na ibinigay niya sa amin. And also 'yung experience ng first lock in taping namin, 'yung magaganda at masasayang memories, gift din 'yung sa akin."

"'Yung friendship na nabuo naming lahat. I think that's the greatest gift for me," dagdag niya.

Mapapanood ang "Babawiin Ko Ang Lahat" sa GMA Afternoon Prime.--FRJ, GMA News