Inilahad ni Yasser Marta na nakatanggap siya ng motorsiklo mula sa batikang aktor na si Gabby Concepcion, na tinatawag niyang "best friend, kuya, and dad."

"Nagkasama kami sa isang show, sa 'Love You Two,' year 2019, si ate Jennylyn [Mercado] 'yung partner niya doon. Parang very natural lang na nagkaroon kami ng chemistry ni Kuya Gabby, connection," sabi ni Yasser sa Mars Pa More.

"Simula noon, halos araw-araw na kaming magkasama, nagkukuwentuhan. Si Kuya Gab din mahilig din siya sa lumang bikes and cars eh," patuloy ni Yasser.

Ayon kay Yasser, isang 1992 Honda Shadow 1100 ang kaniyang natanggap mula kay Gabby, na napapanood ngayon sa Kapuso series na "First Yaya."

"Ako, nakilala ko rin siya, natutulungan ko rin si kuya Gab. Kaya 'yun nga, everyday na kaming magkasama," sabi ni Yasser, na hinangaan ng "Mars Pa More" host dahil sa kakaibang bonding na nabuo niya sa batikang aktor.

Dagdag pa nila, hindi rin umano marahil lahat ay nireregaluhan ni Gabby ng ganoong uri ng motorsiklo.

Noong nakaraang taon, nag-post si Yasser ng birthday message kay Gabby na tinawag niyang "my best friend, kuya, and dad! "

 

 


Sa programa, ipinakita rin ang isang larawan ni Yasser na nakasakay siya sa isang BMW GS.

Motor daw ito ni Zoren Legaspi, na ipinapa-test drive rin sa kaniya.

"'Yun talaga ang hilig ko, motor," sabi ni Yasser.--FRJ, GMA News