Tiniyak ni Camille Prats na going strong ang relasyon nila ng kaniyang asawang si VJ Yambao. Ito ay matapos mapagkamalan ng ilang netizen na siya ang vlogger na si Camille Trinidad na nagkaroon ng pagsubok sa karelasyon.

"Itong buong linggo ko, I have been bombarded by messages like my DM, on Instagram and Facebook, hindi siya nauubos Mars!," sabi ni Camille sa kanilang show ni Iya Villania na "Mars Pa More."

"Mars alam mo, apparently there is a very famous Youtuber couple na kapangalan ko ['yung babae]. Tapos Mars may pinagdadaanan sila personally, naghiwalay sila, I guess from the messages that I have been getting, and the partner, parang unfortunately nag-cheat siya dito kay Camille," pagpapatuloy na kuwento ng aktres.

Ang tinutukoy ni Camille ay ang YouTube vlogger na Camille na nagkaroon ng problema sa karelasyon na sinasabing nagtataksil umano.

Dagdag pa ni Camille, umabot ang hidwaan ng couple sa isang programa at nagkaroon pa umano ng pag-aaway.

"Noong una Mars, it started out as a meme. 'Yung mga tao pino-post 'yung picture ko tapos nilalagay yata... 'Okay lang 'yan Mars Camille laban lang! 'Wag mo nang balikan 'yang si guy. You don't deserve him,'" natatawang balik-tanaw ni Camille.

Hanggang sa unti-unti raw naniniwala ang ilang tao na siya talaga ang nagkakaroon ng problema sa pagsasama nila ni VJ.

"Una meme lang siya Mars. And then at some point, people already are messaging me and thinking it's really me. Na hindi kami okay, na niloko ako, na huwag ko na raw balikan, I don'y deserve it and so on and so on. So once and for all, I posted that screenshot," patuloy ng TV host-actress.

"Mars ang dami pa niya, konti lang 'yung na-collect ko. Just to say that, guys, I know this was a joke at first, but some of the messages or all seems like they really think it's me," sabi pa ni Camille.

Para pabulaanan ang mga haka-hakang nagkakalabuan sila ng kaniyang asawa, nag-post si Camille na magkasama sila ni VJ.

"Sinabi ko lang din na 'oks naman kami ni VJ.' Nag-post pa ako ng post-workout video namin together."


--FRJ, GMA News