Titigil na kaya sa pagsasayaw si Aira Bermudez kapag nag-migrate siya sa Australia para makasama ang kaniyang asawa?

Sa programang "The Boobay and Tekla Show," sinabi ni Aira na noong isang taon pa sana siya pupunta sa Australia pero hindi natuloy dahil sa lockdown bunga ng COVID-19 pandemic.

"Yung napangasawa ko kasi first boyfriend ko," saad niya. "Ang sarap ng feeling na may makita kang best partner talaga."

Pero paglilinaw ni Aira, hindi naman niya bibitiwan ang career niya sa pagsasayaw kahit pa sa Australia na siya manirahan.

"Puwede ko pa naman i-continue 'yan. At puwede pa naman akong bumalik dito," paliwanag niya.

Dahil hindi natuloy ang plano niyang pag-migrate sa Australia noong nakaraang taon, mag-isa lang si Aira sa kaniyang bahay sa panahon ng lockdown.

"Pero thankful ako kasi nandyan siya (mister) kahit sa Skype lang kami nagkikita," saad niya. --FRJ, GMA News