Naging kontrobersiyal noon ang paghihiwalay ng landas ng Ex Battalion at dati nilang manager na si AiAi del Alas. Ngayon, inihayag ng grupo ang kanilang mga natutunan sa mga pinagdaanan nilang isyu.

Sa video ng Kapuso Showbiz, sinabi ni Flow G na napantanto nila na hindi sa lahat ng oras ay tama ang kanilang paniniwala.

Gayunman, ang nangyari ay nagturo rin daw sa mga miyembro ng grupo na maging mas malapit sa isa't isa at magsama-sama.

Kahit may mga pagkakataon na batid daw nilang tama sila, mas pinili na rin nilang manahimik at huwag nang magsalita bilang respeto kay AiAi na tinatawag nilang Mama Ai.

Taong 2018 nang hawakan ni AiAi bilang manager ang Ex Battalion dahil naniniwala siya sa husay at potensiyal ng grupo. Pero pagkaraan lang ng isang taon ay binitiwan na niya ito dahil sa iba't ibang isyu.

Ayon kay Flow G, nangingibabaw ang respeto nila kay AiAi kaya naman wala silang sinabi na laban sa kaniya.

Idinagdag naman ni Brando, na natutunan na rin nilang palampasin na lang ang mga ibinabatong isyu laban sa kanila, dahil alam nila kung ano ang totoo.

Si King Badger na nakatrabaho ni AiAi sa isang serye matapos ang pagbitiw ni AiAi bilang manager ng Ex Battalion, sinabing wala namang nagbago sa pagtingin sa kaniya ng aktres.

Aniya, nag-uusap pa rin naman sila ni Mama Ai sa set na parang walang nangyari.

"We were good. Sa tingin ko kung ganun siya sa akin, ganun din siya with the rest of the boys," ayon kay King Badger.

--FRJ, GMA News