Inihayag ni Alden Richards na magsisimula na ang shooting sa pelikulang pagtatambalan nila ni Bea Alonzo bago ang holidays.

"Before the holidays sisimulan po muna namin 'yung pelikula namin ni Bea. Of course, 'yon yung medyo matagal na rin akong excited about," sabi ni Alden sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes.

Magiging hango sa Japanese series na "Pure Soul," na naging hit Korean movie na "A Moment To Remember," ang pelikulang pagtatambalan nina Alden at Bea.

Matatandaan na nitong Hulyo pumirma ng kontrata si Bea para maging Kapuso.

Samantala, gaganapin naman sa susunod na taon ang concert for a cause ni Alden na "Forward: Meet Richard R. Faulkerson Jr." para sa kaniyang AR Foundation na naglalayong bigyan ng scholarship ang mga kabataan.

"Sobrang dami kong binuhos na emosyon, pagod, puyat, luha dito. Pero kasi at the end of the day kaya ganoon ko na lang siya pinaghirapan, alam ko na pagkatapos nito maganda 'yung kapupuntahan niya and mas maraming matutulungang kabataan," sabi ni Alden.

Habang trending naman ang pagbabalik ng Kapuso primetime series na "The World Between Us" nitong Lunes ng gabi. Pinag-usapan ng fans ang kilig moments ng "LouLi," na mga karakter nina Alden at Jasmine Curtis-Smith na sina Louie at Lia.

"Sa social media, the presence of The World Between Us is there because of them, because of their support. Kaya sobrang laking bagay sa akin na magbalik-loob. In a way ito na lang 'yung pa-thank you natin sa kanila," sabi ni Alden.

Ayon sa ulat, patikim pa lamang ang episode nitong Lunes sa mas umaatikabo pang mga kaabang-abang na eksena.

May pasilip na sa teaser ng mga mangyayaring pagbabago sa storya.

May mga ipakikilala ring mga bagong karakter, at isa rito ang gagampanan ni Ricky Davao.--Jamil Santos/FRJ, GMA News