Kinagiliwan ang paghahatid ng good vibes ni Baby Tali Sotto na tampok sa unang Christmas carol ng "Eat Bulaga" na "Parating Na Ang Pasko."

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing agaw-pansin ang cute na anak nina Bossing Vic Sotto at Pauleen Luna sa kauna-unahang Christmas carol ng longest-running noontime show tampok ang Dabarkads.

Makikitang napasabak na si Tali sa recording at pag-shoot ng video sa edad apat na taon.

Lagi na ring napanonood si Tali sa Eat Bulaga dahil work from home ang kaniyang mga magulang, kaya sanay na sanay na rin siya sa harap ng camera at hindi mahiyain.

"I actually wanted her to memorize just one line. Sabi ko 'Okay na 'yan one line lang.' Na-memorize niya 'yung buong part niya. Ngayon parang memorize na niya 'yung buong kanta," sabi ni Pauleen.

Tila dumadaloy sa dugo ni Tali ang pag-aartista.

"Singing, dancing, acting, she loves painting, andu'n siya talaga. Siguro artista magulang nito," biro ni Pauleen.

Sinabi ni Pauleen na isa sa magandang naidulot ng lockdown at quarantine ang paglalaan nila ng oras para sa pamilya, at nasubaybayan din nila ni Vic ang mga milestone ni Tali.

"We're very grateful na nabigyan kami ng pagkakataon to really be with her and to watch her and to guide her properly," sabi ni Pauleen. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News