Nagpahiwatig si Heart Evangelista na posibleng hindi muna siya gagawa ng teleserye pagkatapos ng "I Left My Heart in Sorsogon" na kasalukuyang napapanood sa GMA Primetime.

"It maybe my last telenovela, kaya talagang ini-enjoy ko ang bawat minutong makita ko sa 'I Left My Heart' at talagang ibinigay ko ang lahat-lahat ko," sabi ni Heart sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes.

Ayon sa ulat, pagtutuunan muna ng pansin ni Heart ang beauty company na itinayo niya kasama ang kapatid niyang si Camille Ongpauco.

Opisyal na inilunsad nina Heart at Camille ang kanilang beauty and wellness brand na Pure Living Wellness International nitong Miyerkoles.

Ayon kay Heart, layon ng Pure Living na maging isang rewarding business platform para maging empowered ang "modern-day entrepreneurs."

Samantala, nagpa-dinner si Heart sa kaniyang bahay para sa cast at iba pang katrabaho sa I Left My Heart in Sorsogon dahil miss na niya ang mga ito.

Labis ang tuwa ni Heart sa magandang suportang natatanggap ng programa mula sa mga manonood.

"Talagang mahirap mag-taping during sa pandemic, kaya natutuwa kami na talagang tinatangkilik siya. The ratings are growing and growing every night. Nakakatuwa kasi hindi napunta sa wala 'yung pagod namin," sabi ni Heart.

"We've always been very proud of Heart. And I think malaking bagay din, it has more personal na nakikita niyo 'yung kagandahan din ng Sorsogon," sabi ni Camille.--Jamil Santos/FRJ, GMA News