Kahit naiisip pa lang, tila hindi na kakayanin ni Megan Young na mawala sa kaniya ang asawang si Mikael Daez.

Sa programang "Mars Pa More," ipinakita ang video ni Megan na umiiyak habang pinag-uusapan nila ni Mikael ang mga topic na puwede nilang gawin sa kanilang podcast.

Ayon sa mag-asawa, nagbi-brainstorming sila para sa podcast topic nang imungkahi ni Mikael ang paksa na paano kung maghiwalay sila.

Paliwanag ni Mikael, naisip niya ang naturang topic dahil kailangan umanong "juicy" ang kanilang pinag-uusapan.

Kung minsan, maganda rin umano ang kontrobersiyal na mga paksa.

"Tapos naisip ko paano nga kung maghiwalay kami, nakakaiyak. So nadala na ako sa emosyon," paliwanag ni Megan.

Ayon kay Mikael, maagang natapos ang kanilang brainstorming dahil sa pag-iyak ni Megan.

Enero 2020 nang magpakasal sina Megan at Mikael matapos ang ilang taon ng kanilang pagiging magkasintahan.

Samantala, inihayag naman ni Mikael ang paghanga sa kaniyang asawa nang kumasa si Megan sa kaniyang challenge na 500 squats sa loob ng isang araw.

Nagawa umano ni Megal ang 500 squats nang 45 minuto.

Ayon kay Kuya Kim Atienza, co-host sa programa, mahirap pero magandang ehersisyo ang squat dahil nakatutulong ito sa metabolismo at sa maraming muscle group sa katawan.

--FRJ, GMA News