Inamin ni Kuya Kim Atienza na nagrebelde siya noong kabataan niya at ang unang tattoo niya ay gawa ng huling "mambabatok" ng Kalinga na si Apo Whang-Od.

Dahil magdiriwang ng kaniyang kaarawan ang Oppa ng Trivia na si Kuya Kim, nagbigay ng mga trivia tungkol sa kaniya si Ashley Rivera sa programang "Mars Pa More."

Kinumpirma ni Kuya Kim na si Apo Whang-Od ang unang nag-tattoo sa kaniya na may disenyo ng tatlong tuldok at krus sa braso.

Nangyari raw ito apat na taon na ang nakararaan.

Sabi ni Kuya Kim, tatlong tuldok lang sana ang ilalagay sa kaniya ng Apo Whang-Od pero humiling siya na dagdagan ito at nilagyan siya ng krus.

Napag-alaman din na pangarap noon ni Kuya Kim na magpari, at dalawang taon siya sa seminaryo noong high school siya.

Gayunman, paglabas ng seminaryo ay nagrebelde naman siya at bumagsak sa klase sa fourth year.

"Kasi yung rebellious stage ko nangyari 'yan pagkatapos kong lumabas ng seminaryo," ani Kuya Kim na nagsabing naging paborito niyang kanta ang "Anak."

"Nung high school nasa seminaryo ako, ang daming bawal. Paglabas ko ng seminaryo sinubukan ko lahat... lahat... repression," patuloy niya.

Dahil sa sobra niyang pagrerebelde, bumagsak siya sa fourth year at kinailangan niyang umulit para pumasa.

Napag-alaman din na kabilang sa kaniyang hilig na kolektahin ang mga lumang silya at kasama rin sa paborito niyang sports ang golf.

Panoorin ang buong trivia sa video ng ito ng "Mars Pa More."

--FRJ, GMA News