Direk Ben Feleo, pumanaw na
Pumanaw na nitong Miyerkules ng gabi ang beteranong direktor na si Ben Feleo, ayon sa kanyang apo na si Ina Feleo. Sa ulat ni Jocelyn Dimaculangan na lumabas sa Philippine Entertainment Portal (PEP) nitong Huwebes, sinabi ng aktres na si Ina, na matagal ng may sakit ang kanyang 85-anyos na lolo. Si Direk Ben ay ama ng batikang aktor na si Johnny Delgado, na pumanaw noong 2009. Nagsimula umano sa showbiz industry si Direk Ben bilang manunulat noong late '50s. Kabilang sa kanyang mga isinulat ang comedy films na Alabang Girls (1992) at Humanap ka ng Panget (1990). Kabilang naman sa mga pelikulang kanyang pinamahalaan bilang direktor ay ang Pitong Gamol (1991) at Ikaw ang Miss Universe ng Buhay Ko (1994). Sinabi ni Ina na bukod sa edad ng kanyang lolo ay bypass [operation] na rin ito noon. "Nung nawala si Daddy (Johnny), na-depress siya at hindi na bumalik ang sigla niya. At least ngayon, magkasama na sila ni Daddy," ayon pa kay Ina. Nakalagak ang mga labi ni Direk Ben sa Marian Memorial Chapels sa Marcos Highway sa Marikina City. - FRJ, GMA News