ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Philippine lawmaker to Taylor Kitsch: ‘Study your geography’


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dapat umanong mag-sorry sina Hollywood actor Taylor Kitsch at television host David Letterman, sa mga Pilipino at itama ang maling impormasyon na ibinigay nila tungkol sa Pilipinas. Ang sinasabing pagkakamali ay nangyari sa isang episode ng US television show na 'Late Show' kung saan host si Letterman at guest niya si Taylor. Sa naturang episode, inusisa ni Letterman si Taylor tungkol sa naging karanasan ng aktor sa pagbiyahe sa “Pilipinas" para sa ginagawang pelikula na “Savages," na mabilis namang sinagot ng aktor na, “oh yeah!" Kasunod nito ay nagkwento na si Taylor tungkol sa kanyang naging karanasan sa “airport" kung saan mistulang ginawang katawa-tawa ng aktor ang sumita sa kanya na “customs" personnel. Subalit lumitaw sa pagsisiyasat ni Commissioner Ruffy Biazon ng Bureau of Customs (BOC) at maging ng GMA News TV, na hindi sa Pilipinas, kundi sa Indonesia ginawa ang shooting ng “Savages." Ayon kay Biazon, nagsagawa siya ng imbestigasyon dahil nabanggit ni Taylor sa kanyang kwento kay Letterman na taga-Customs ang humawak ng kanyang pasaporte. Nagmukha ring katawa-tawa sa kwento ni Taylor ang sinasabing “customs" personnel sa airport na namangha raw sa ipinanood niya sa iPhone na trailer ng isa pa niyang pelikula na “John Carter." Ayon pa kay Taylor, pinayagan lang siyang makaalis ng airport at tinatakan ang kanyang passport matapos na makumbinsi niya ito na isa siyang aktor. Paliwanag ni Biazon, kung totoo ang kwento ni Taylor, ang tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dapat may hawak ng pasaporte ng Hollywood actor at hindi taga-Customs dahil ang tinututukan ng mga ito ay ang mga pumapasok na kargamento at bagahe na dala ng mga pasahero. “In the Philippines, we have retained the separate and distinct services, the Bureau of Customs under the Department of Finance and the Bureau of Immigration under the Department of Justice," paliwanag ng opisyal sa kanyang blog. Matapos ang ginawang pagtatanong sa iba pang ahensiya, kumbinsido si Biazon na hindi sa airport ng Pilipinas nangyari ang kuwento ni Taylor. “But what is becoming more apparent is that Mr. Kitsch was mistaken with regard to the country he was talking about. Not having a record of his visit here and his film having a shoot in another country only means his story lacks the factual basis," anang pinuno ng BOC. Hindi magandang kwento Sa isang text message, sinabi ni Aurora Rep Juan “Sonny" Angara, na hindi maganda ang iniwang impresyon ng kwento ni Taylor para sa Pilipinas at mga tauhan sa airport. Ganito rin ang paniwala ni dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, na nagsabing nagmistulang mga “ignorante" ang mga tauhan sa airport na ikinuwento ng dayuhang aktor. “Kung tutuusin hindi lang sa mga Pilipino dapat mag-sorry si Taylor, kundi pati sa mga Indonesian. Ginawa niyang katawa-tawa na parang mang-mang yung taong tinutukoy niya sa kuwento," ayon kay Barbers. Kung si Taylor umano ang nagsabi kay Letterman na sa Pilipinas siya nag-shooting, pinayuhan ni Angara ang Hollywood actor na mag-aral ng geography. “Please study your geography," payo ni Angara sa Hollywood actor. “Look at a globe or atlas some point, two vastly different countries with distinct history and culture." Nagkakaisa sina Biazon, Barbers at Angara na mas malaki ang kasalanan ni Taylor kaysa kay Letterman dahil kung alam ng aktor na sa Indonesia siya nag-shooting, dapat kaagad nitong itinama ang TV host nang banggitin ang Pilipinas. Sinabi ni Biazon na bagaman huli na, maaari pa namang gumawa ng hakbang sina Letterman at Taylor na itama ang kanilang pagkakamali at humingi ng paumanhin sa mga Pilipino. Aminado ang opisyal na nababahala siya na mag-iiwan ng masamang imahe sa mga nakapanood ng episode ang mga tauhan ng BOC na nakatalaga sa airport ng Pilipinas. Para naman kay Angara, magiging masamang ehemplo sa mga Hollywood actor si Taylor kapag hindi nito itinama ang pagkakamali. Pinayuhan din ni Barbers si Taylor na pumunta sa Pilipinas para makita nito ang bansa na napagkamalan niyang Indonesia at makita nito ang kaibahan ng dalawa. - FRJimenez, GMA News

Tags: taylorkitsch