Immigration office ng Indonesia, magsisiyasat na sa alegasyon ni Taylor Kitsch
Nagsalita na rin ang isang opisyal ng Immigration Bureau ng Indonesia kaugnay sa kontrobersiyal na kwento ng Hollywood actor na si Taylor Kitsch tungkol sa hindi umano niya naging magandang karanasan sa isang airport na unang inakala na nangyari sa Pilipinas. Sa ulat na lumabas The Jakarta Globe, sinabi umano ni Maryoto Hadi, tagapagsalita ng Indonesian Immigration office, na magsasagawa sila ng imbestigasyon tungkol sa kwento ni Kitsch. Hindi pa umano nabalitaan ni Hadi ang buong kwento ni Kitsch na unang lumabas sa naging panayam ng aktor sa US television host na si David Letterman para sa programang “Late Show." Pagtiyak ni Hadi, gagawa ng kaukulang hakbang ang kanilang ahensiya kapag napatunayan na mayroon silang tauhan na umabuso sa kanilang kapangyarihan. Hindi mismong si Kitsch ang nagbanggit sa Indonesia na bansang pinuntahan niya sa Asya, at sa halip ay sumagot ito ng, “Oh yeah!," nang pagkwentuhin siya ni Letterman tungkol sa pagbiyahe niya sa “Pilipinas" kaugnay sa shooting ng pelikulang “Savages," na kasama siya cast. Ngunit batay sa isinagawang imbestigasyon ni Bureau of Customs (BOC) chief Ruffy Biazon ng Pilipinas, hindi sa Pilipinas nag-shooting ang “Savages" kundi sa Indonesia. (Basahin: Philippine lawmaker to Taylor Kitsch: ‘Study your geography’) Nagsagawa ng imbestigasyon si Biazon dahil tinukoy ni Kitsch sa kanyang kwento kay Letterman na tauhan ng “customs" ang sumuri sa kanya pasaporte at nagparinig pa na gustong humingi ng kanyang iPhone. Iginiit ni Biazon na hindi mga tauhan ng BOC ang sumusuri sa pasaporte ng mga pasahero kundi tauhan ng Immigration Bureau. Bukod sa panawagan ni Biazon na dapat ituwid nina Kitsch at Letterman ang pagkakamali, dapat din umanong humingi ng paumanhin ang dalawa sa mga Pilipino. – FRJ, GMA News