ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

GMA Network, patuloy na nangunguna sa nationwide ratings nitong Abril


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ang multimedia company GMA Network, Inc. (GMA) pa rin ang nanguna sa nationwide ratings nitong Abril, batay sa survey na ginawa ng mas pinagkakatiwalaang ratings service provider na Nielsen TV Audience Measurement. Mula noong Marso, lalo pang tumaas ang total day household audience share ng GMA nitong Abril sa lahat ng lugar. Taliwas naman ito sa nangyari sa pinakamalapit na kakompetensiyang network na ABS-CBN. Sa April ratings data (April 1 to 21 data at April 22 to 30 overnight data), nakapagtala ang GMA ng average total day household audience share na 35.5 points sa National Urban Television Audience Measurement (NUTAM), mas mataas sa 29.4 points ng ABS-CBN, at sa 15 points naman ng TV5. Kung may limang viewers per household, lilitaw na ang kalamangan ng GMA sa bilang ng mga manonood ay aabot sa mahigit isang milyon kontra sa ABS-CBN at halos 3.6 milyon naman sa TV5 sa buong bansa. Sa Total Urban Luzon na kumakatawan sa 77 percent ng total urban television households nationwide, nakapagtala naman ang GMA ng double-digit margins laban sa mga kakompitensiya. Kumabig ang GMA ng 39.2 household audience share points. Mas mataas ng 13.8 points sa nakuha ng ABS-CBN na 25.4 points, habang ang TV5 ay mayroong 14. 4 points. Kung bibilangin muli sa mga manonood, lumilitaw na ang mga Kapuso ay mas lamang ng 1.8 milyon at 3.3 milyon kontra sa mga sumusubaybay sa ABS-CBN at TV5, ayon sa pagkakasunod-sunod. Sa bailiwick na Mega Manila na kumakatawan sa 59 percent ng total urban television households nationwide, pumalo ang audience share points ng GMA sa 40.3, kontra sa 24.1 points ng ABS-CBN at 15.1 points ng TV5. Sa listahan ng overall top 10 programs sa Total Urban Luzon, anim ang mula sa GMA. habang walong Kapuso program naman ang pasok sa overall top 10 programs sa Mega Manila. Bukod sa GMA, may 21 iba pang kompanya kabilang ang dalawang local networks (TV5 at Solar Entertainment) at 14 advertising agencies ang kumukuha sa serbisyo ng Nielsen TV Audience Measurement para sa ratings. Samantala, tanging ABS-CBN lang ang napaulat na kumukuha sa serbisyo ng Kantar Media, na dating TNS. Mas malaki rin umano ang sample size na sinu-survey na bahay ng Nielsen TV kumpara sa Kantar Media. -- FRJ, GMA News