ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Randy Santiago, naniniwalang hindi sasaktan ng Tulfo brothers sina Raymart at Claudine


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Umaasa si Randy Santiago na maaayos sa lalong madaling panahon at hindi na lalaki ang gusot ng kanyang kapatid na si Raymart at magkakapatid na Tulfo. Sa artikulong isinulat ni Rey Pumaloy sa showbiz news site na Philippine Entertainment Portal (PEP) na lumabas nitong Martes, inihayag ni Randy ang hangarin niyang magkabati na sina Raymart, hipag niyang si Claudine Barretto, at ang magkakapatid na Tulfo, sa pangunguna ng veteran journalist na si Mon Tulfo. Matapos ang insidente sa domestic airport kunsaan nagkasagupa sina Mon, Raymart at Claudine, nagbigay naman ng matapang na pahayag ang mga kapatid ni Mon na sina Raffy, Erwin at Ben sa kanilang programa sa telebisyon. Ngunit kaagad na humingi ng paumanhin si Erwin sa nasabi nilang magkakapatid laban sa mag-asawang Raymart at Claudine. Ipinaliwanag niyang bugso ng damdamin at paglalabas ng sama ng loob ang kanilang nabanggit dahil sa sinapit ng kanilang kuya na si Mon. Maging si Mon ay hindi sang-ayon sa tila pagbabanta na ginawa ng kanyang mga kapatid. Gayunman, ang lahat ng kaguluhan ay humantong na sa demandahan. Sa interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Randy sa kakatapos lang Sa 44th birthday celebration ni Quezon City Mayor Herbert Bautista sa Edsa Shangri-La Hotel noong Sabado, May 12, nakunan ng reaksiyon ang singer-TV host ng kanyang saloobin sa insidenteng kinasangkutan ng kanyang kapatid na Raymart. “Sinabi naman ni Kuya Mon na, 'Huwag kayong mag-alala, hindi naman gagalaw yung mga ano...' I’m very sure," pagtukoy ni Randy sa nakatatandang Tulfo. Ayon kay Randy, kaibigan din naman niya si Erwin dahil nagkasama rin naman sila sa isang television station. Naniniwala si Randy na silakbo lang ng damdamin ang mga nabanggit na pahayag ng magkakapatid na Tulfo kaya hindi siya lubos na nag-aalala sa kaligtasan ng kanyang kapatid at hipag. Sakabila nito, idinepensa niya ang naging aksiyon ng kanyang kapatid na si Raymart na natural lang umano sa isang mister na dapat ipagtanggol ang asawa. Naiintindihan din daw ni Randy kung hindi man pamilyar sa isa't isa sina Mon at Raymart . Tungkol sa kumalat na Santiago vs Tulfo meme sa Internet, sinabi ni Randy na naaliw siya sa mga lumabas na larawan nilang magkakapatid na Santiago kontra sa magkakapatid na Tulfo at maging sa spoof video. “Pati na nga yung mga Hitler, nakakatawa, e. Ang gagaling nating mga Pilipino," pagtukoy ni Randy sa paglabas naman sa YouTube ng 2004 German movie na Downfall, na nilagyan ng Tagalog sub-titles para magmukhang nag-aalburoto ang aktor na gumaganap na Adolf Hitler sa nangyaring gulo sa NAIA. -- FRJ, GMA News