Pilipinas sa The Bourne Legacy, itinampok ang wika, kultura, at artistang Filipino
Hindi lang siyudad ng Maynila ang itinampok sa Hollywood film na The Bourne Legacy, bagkus nagpasiklab din sa pag-acting ang ilang mga lokal na artista sa kanilang mga small role na nagpayaman sa kultura at wikang Filipino. Ilan sa mga papel na ginampanan ng mga lokal na artista ng bansa ay isang security guard, landlady, drugstore pharmacist, sidewalk vendor, at isang mangingisda. John Arcilla Gumanap ang aktor na si John Arcilla bilang si Joseph, isang pharmaceutical company guard sa imbakan ng virus na ginagamit bilang sangkap sa blue at green pills na kailangan ni Aaron Cross (Jeremy Renner) sa naturang palabas. Kakaibang karanasan daw para sa aktor ang mapabilang sa isang Hollywood na pelikula. “Parang, ibang klase. Nanonood ka ng isang Hollywood film na nandun ka. Ibang klase, iba 'yong feeling,” pahayag ni Arcilla sa Yahoo! News. Madeleine Nicolas Naging mabilis ang paglabas ng aktres na si Madeleine Nicolas sa naturang pelikula kung saan gumanap siya bilang isang landlady sa tinulugan nina Aaron at Dr. Marta Shearing (Rachel Weisz) noong unang gabi nila sa bansa. Halos hindi raw makapaniwala ang aktres na siya ang napiling artista sa papel na ginampanan niya dahil marami raw magagaling na mga artistang sumabak sa screeing. Ayon pa kay Nicolas sa isang panayam ng Inquirer.net, “I came prepared for the callback. I wore the required costume and brought props—I was so nervous. But it turned out that it was just an interview with the director.” Ruby Ruiz Madaldal at nagbigay pa ng libreng gamot ang aktres na si Ruby Ruiz sa kanyang eksena. Gumanap siya bilang isang drug store pharmacist. Ayon kay Ruiz sa isang panayam ng Inquirer.net, pantay daw ang pagta-trato sa mga artistang Filipino sa set. Aniya, “It was humbling and inspiring at the same time. The director has a collaborative work style. He gave us a free hand with our roles. He was very good.” Anne Garcia "Sino ka? Magnanakaw!" Ito ang linya ni Anne Garcia sa kanyang cameo role bilang isang ina sa naturang Hollywood film. Sa eksena, nanonood ng cartoon ang batang anak ng aktres sa tinitirahan nilang bahay sa tabi ng isang eskinita nang makita niyang nagtatago si Marta sa kanilang tirahan. Lumabas ng kanilang bahay ang ina at sumigaw sa eskinita upang humingi ng tulong sa mga kapitbahay at mga pulis dahil sa pag-aakala niyang magnanakaw si Marta. Joel Torre Lumabas din ang aktor na si Joel Torre sa isang cameo role sa pelikula. Siya ang kumuha ng mga nahulog na orange at dalandan na bumagsak nang hinahabol sina Aaron at Marta ng isang Thai spy. Ang naturang eksena ay kinuhanan sa lungsod ng Pasay. Lou Veloso Malaki naman ang naging papel ng aktor na si Lou Veloso. Gumanap siya bilang isang mangingisda na tumulong kay Aaron at Marta. Pinasakay niya, kasama ang kanyang anak, ang dalawang bida sa kanilang luma at kinakalawang na barko habang nagpapagaling. Nabaril si Aaron ng Thai spy bago ang naturang eksena. Filipino sa pandinig ng mga dayuhan Malimit na nabibigkas ang wikang Filipino sa mga eksena sa bansa na kinunan sa bansa. Sa mga maaaksyong eksena sa Maynila, ilan sa mga salitang binigkas ay mga pagmumura sa iba’t-ibang baryasyon. Samantala, ang mga salitang nabigkas tulad ng pagtatanong ni Ruiz, "Anong ginagawa mo rito?" ay may kaakibat na takot dahil dalawa lamang sila ng anak niya ang nasa bahay. Makikita sa hitsura ng ina na nais nitong kilalanin ang babae (Marta) ngunit bilang pangunahing reaksyon, natakot ito at naghanap ng pulis. Ipinakita base sa pananalita at reaksyon ng ina sa naturang eksena na hindi ligtas ang mga tao maging sa mga dayuhan. Sa ibang parte ng pelikula, naging masaya si Joseph nang makita niya sina Aaron at Marta. Ilan pa sa mga salitang Filipino na nakasama sa mga linya ng pelikula ay "Huwag mo pakawalan, brad," sa pag-uusap ng mga pulis habang hinahabol nila si Aaron. Pilipinas sa ‘Bourne Legacy’ Maraming parte ng pelikula ang kinuhanan sa bansa at isa sa mga matatandaan sa pelikula ay ang pagbitaw ni Marta ng "Manila." Hindi ito malilimutan dahil ayon sa palabas, sa bansa ang ambakan ng naturang virus na kailangan ni Aaron upang maging malakas. Sa naturang ulat ng Yahoo! News, nabahala noong una si Arcilla nang mapanood niya ang pelikula dahil sa pagsasalarawan nito sa Pilipinas. Gayunman, iginiit nito na di-umanong bumawi ang pelikula sa huling parte nang ipinakita ang karagatan sa Palawan. Ipinakita sa pelikulang The Bourne Legacy ang "dalawang mukha ng bansa," kung saan nilarawan ang ganda ng anyo ng tubig sa Pilipinas at ang reyalidad sa "slum" na bahagi ng lungsod. Ang The Bourne Legacy ay idinirekta ni Tony Gilroy. Tampok sa pelikula sina Jeremy Renner, Rachel Weisz, Edward Norton at Scott Glenn. - BM, GMA News