Ogie Alcasid, magdiriwang din ng kanyang silver anniversary sa showbiz
Matapos ang Silver anniversary concert ng kanyang misis na si Regine Velasquez, ang singer-songwriter naman na si Ogie Alcasid ang magdiriwang ng kanyang ika-25 taon sa industriya. Sa kanyang silver anniversary, isang docu-musical show na “The Songwriter and The Hitmakers" ang mapapanood sa Sunday Night Box Office (SNBO) ng GMA -7 sa darating na Linggo, November 25. Sa naturang TV special, kakantahin ng ilang sikat na mang-aawit ang mga nilikhang kanta ni Ogie na nakapaloob din sa kanyang bagong album. Mapapanood din kung papaano nagsimula sa showbiz industry ang dating miyembro ng Kundirana choir. Hindi rin siyempre mawawala sa TV special ang comedic performance ng kanyang kaibigang si Michael V. na ilang taon na rin niyang kasama sa Bubble Gang. Bukod kay Bitoy (tawag kay Michael V), mapapanood din sa TV special ni Ogie sina Janno Gibbs, Richard Poon, Rachelle Ann Go, Jaya, Jay-r, La Diva, at Gary Valenciano. Ang “The Songwriter and The Hitmakers" ay mapapanood sa Linggo, November 25 sa SNBO sa GMA 7. - FRJ, GMA News