Katrina Halili, handa na sa kanyang pagbabalik sa showbiz
Matapos mawala ng ilang buwan bunga ng kanyang pagbubuntis, muling nagbalik sa showbiz ang Kapuso sexy star na si Katrina Halili sa pamamagitan ng Magpakailanman episode na "Ligaw na Diyosa." Ang "Ligaw na Diyosa," na tungkol sa buhay mismo ni Katrina ay napanood sa GMA-7 nitong nakaraang Sabado. Si Katrina mismo ang gumanap sa kanyang buhay. Sa naging panayam ng Startalk TX host na si Joey de Leon nitong Sabado ng hapon, ikinuwento ni Katrina kung bakit pumayag siyang ibahagi ang kanyang buhay sa Magpakailanman. “Napapayag po ako kasi para sa akin, ok na kasi nakapag move on na naman ako and gusto ko rin naman i-share sa mga tao yung experience ko dahil alam ko kahit papaano ay matututunan sila sa nangyari sa akin," paliwanag ng aktres. Naikuwento rin ni Halili ang katatapos na reunion ng Starstruck Batch 1 kung saan kabilang sa mga dumalo ay sina Jennylyn Mercado, Yasmien Kurdi, Sheena Halili, Cristine Reyes, Jade Lopez, Mark Herras at Rainier Castillo. Sampung taon ang nakalipas mula nang ipakilala ang unang batch ng Starstruck , naniniwala si Katrina na malayo na ang narating ng kanilang grupo. “Kino-congratulate naming yung isa’t isa. Kasi 'di ba si Jen host na ngayon, tapos si Cristine nag Box Office Queen, so masaya kami," aniya. "Ngayon, pagiging mommies and mga babies na ang topic namin nina Jen and Yasmien." At ngayong mommy na si Katrina sa baby nila ni Kris Lawrence na si Katrence, sinabi ng aktres na mas lalo siyang ganado at inspirado na balikan ang kanyang minahal na propesyon sa pag-arte. Ang mga pagsubok sa buhay na kanyang pinagdaanan ay lalo umanong nagpatibay sa aktres," -- Samantha Portillo/FRJ, GMANetwork.com