ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

GMA Network, nanguna pa rin sa ratings sa buwan ng Marso


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Patuloy pa ring nangunguna ang GMA Network sa Urban Luzon at Mega Manila para sa buwan ng Marso ngayong taon, batay sa pagsusuring ginawa ng mas kinikilalang ratings service provider na Nielsen TV Audience Measurement.
 
Mula Marso 1 hanggang 31 (March 17 to 31 batay sa overnight data), nakakuha ng 33.7% average total day audience share ang GMA-7 sa Urban Luzon, kumpara sa 29.4% ng ABS-CBN, at 15.2% ng TV5.  
 
Patuloy ding nangunguna ang GMA sa balwarte nito sa Mega Manila na kumabig ng 34.5% sa total day household audience share, na angat sa 27.6% ng ABS-CBN at 16.3% ng TV5.
 
Pasok naman sa 30 most watched shows sa Urban Luzon ang 17 programa ng GMA, habang 18 programa naman ang nakapasok sa Mega Manila.
 
Isa na rito ang multi-awarded news magazine program Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS), na nananatiling top-rater sa NUTAM, Urban Luzon, at Mega Manila noong Marso. 
 
Pasok din sa mga nangungunang programa ang Indio, Magpakailanman, Kapuso Movie Night, Pahiram ng Sandali, Temptation of Wife, Mundo Mo’y Akin, 24 Oras, Vampire Ang Daddy Ko, Pepito Manaloto Ang Tunay na Kuwento, Eat Bulaga, Bubble Gang, Celebrity Bluff, Imbestigador, at marami pang iba.
 
Samantala, nanguna rin ang GMA-7 sa ABS-CBN at TV5 sa buong araw na mga palabas (morning, afternoon and evening block) sa Urban Luzon at Mega Manila.
 
Ang GMA at TV5 ay kapwa naka-subscribe sa Nielsen TV Audience Measurement, habang ang ABS-CBN ang tanging naka-subscribe sa Kantar Media.
 
Sa Mega Manila, ang Nielsen ay may household sample size na 1,190 kumpara sa 770 household ng Kantar Media. Ang Nielsen ay may nationwide household sample size naman na 2,000 mas malaki sa 1,370 household ng Kantar Media. -- MMacapendeg/FRJ, GMA News