Alden Richards meets avid fan sa set ng Mundo Mo'y Akin
Hindi akalain ng isang avid fan ni Alden Richards na mapagbibigyan ang kanyang kahilingan na makita ang idolo at iba pang cast member ng sinusubaybayan niyang teleseryeng Mundo Mo'y Akin. Ipinakita nitong Sabado sa Startalk TX ang pagtatagpo nina Alden at tagahanga niyang si Vivian Carbonel sa mismong set ng Mundo Mo'y Akin. Ayon kay Vivian, nahulog ang loob niya kay Alden dahil nakikita niya sa aktor ang kanyang namayapa nang kapatid. Kwento pa ni Vivian, isang araw habang nangungulila sa pumanaw na kapatid, binuksan niya ang telebisyon at si Alden ang una niyang nakita. Nakikita raw niya ang ilang katangian ng kanyang kapatid sa aktor. Sa set, nakilala rin ni Vivian ang iba pang kasama sa serye tulad ni Louise delos Reyes. Matapos nilang magkaharap at magkausap, sinabi ni Vivian na lalo pang tumindi ang paghanga niya kay Alden. Dahil kay Vivian na sinubukan lamang na sumulat at napagbigyan ang kahilingan na makita ang idolo, naisipan ng produksyon ng serye na pumili ng walong tagasubaybay ng Mundo Mo'y Akin na mabibigyan ng pagkakataon na makabisita sa set at makasalamuha ang mga bida ng programa. Ang mga nais lumahok ay maaari lamang bumisita sa Facebook fan page ng Mundo Mo'y Akin. -- FRJimenez, GMA News