Ilang Kapuso shows at stars, ginawaran sa Guillermo Awards
Tumanggap ng parangal ang ilang programa at personalidad ng Kapuso Network sa katatapos na Guillermo Awards na idinaos nitong Linggo sa AFP Theater.
Itinanghal na Film Actor of the Year ang Kapuso actor na si Dingdong Dantes habang tinanggap naman ng comedic duo na sina Jose Manalo at Wally Bayola ang dalawang parangal bilang "Male Concert Performer of the Year" at Most Popular Male Novelty Singers."
Gayundin, nakatanggap din ng parangal ang bagong Kapuso star na si Christian Bautista bilang "Male Recording Artist of the Year" habang "Most Popular Female Child Performer" ang Little Miss Philippines at Dabarkads na si Ryzza Mae Dizon.
"[Inaalay ako po ang award ko] sa mga Dabarkads kasi po kung hindi dahil sa kanila, wala akong award," ani Ryzza.
Samantala, para sa ikatlong pagkakataon, muling itinanghal bilang "Most Popular TV Program– News and Public Affairs" ang Kapuso news show na "24 Oras."
Anang Associate Producer ng “24 Oras” na si Sarah Gulle, "Siyempre nagpapasalamat tayo sa Guillermo Mendoza Foundation kasi third time na 'to. Pangatlong taon na itong binigay sa '24 Oras'."
"Siyempre, shini-share natin ito sa lahat ng mga boss, sa lahat ng staff and crew ng '24 Oras' na talaga namang 100% ang dedication sa show para makapagbigay ng makabuluhang balita at impormasyon sa publiko," dagdag nito.
Bukod pa rito, nakatanggap din ang longest running noontime show na "Eat Bulaga" ng parangal bilang "Most Popular TV Program– Musical Variety." — Mac Macapendeg/KBK, GMA News