Aljur Abrenica, may natutunang aral sa kinasangkutang aksidente
Ikinuwento ng Kapuso actor na si Aljur Abrenica ang nangyari sa aksidenteng kinasangkutan niya sa kalsada sakay ng kanyang kotse noong nakaraang May 16. "Pag-uwi namin [galing taping], mga alas-sais, may araw na, kasama ko yung driver ko. Siya na yung pinagdrive ko sa sobrang pagod ko," kwento niya sa panayam ni Arnold Clavio para sa "Alisto" na umere sa Unang Balita nitong Huwebes. Patuloy ng aktor, "Kasalanan ko pinagmadali ko siya kasi inaantok na talaga ako, eh. Gusto ko nang makauwi." Ayon pa sa aktor, nang malapit na sila sa kanyang bahay sa Quezon City ay may bigla umanong sumulpot na nagmomotorskilo. "Sa side mirror hindi ko nakita (yung motor). Yung driver ko nabigla [kaya] na out [off] control kami," pag-amin ng aktor na dahilan ng kanilang aksidente. Dahil sa nangyari, isang malaking aral daw ang natutunan ng aktor. Bumalik sa kanyang alaala ang pangaral ng ama na laging magdasal kapag nasa sasakyan. "Itinuro sa'kin ng tatay ko na 'pag sumakay ka ng sasakyan, paghawak mo ng manibela magdasal ka. Siguro nakakalimutan kong magdasal at ang kasalanan ko dito [na] kahit passenger ka dapat magdasal ka," aniya. "At saka huwag magmamabilis. Hindi 'yon way para magising ka," dagdag niya. Mapapanood ang buong kwento ng aksidente ni Aljur Abrenica sa "Alisto" pagkatapos ng Saksi ngayong Huwebes. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News