Tambalang 'TomDen' ng 'My Husband's Lover,' patok sa netizens
Walang tigil ang pagbibigay suporta ng mga netizen mula nang magsimula ang bagong soap opera ng GMA Network na "My Husband's Lover" nitong Hunyo 10. Sa microblogging site na Twitter, gabi-gabing pinag-uusapan ng mga manonood ang nasabing palabas dahilan kung bakit napabilang ito sa trending topics hindi lamang sa bansa kundi worldwide nang tatlong magkakasunod na gabi. Isa rin sa mga kinagigiliwan ng mga netizen ay ang bagong Kapuso tandem na pinangalanang "TomDen," tawag sa nabuong tambalan nina Dennis Trillo at bagong Kapuso actor na si Tom Rodriguez, ang dalawang aktor ang gumaganap bilang si Vincent (Tom) at Eric (Dennis) sa bagong Kapuso primetime show. Basahin: Netizens rave over 'My Husband’s Lover' pilot episode. Ilan pa sa mga kumentong binigay ng netizens ay kaugnay sa pagiging inobatibo ng Kapuso Network sa pagpapalabas ng makabagong storya sa primetime television.
At bagama't positibo ang feedback ng mga manonood ng "My Husband's Lover," hindi pa rin naiwasan ni Dennis na kabahan sa magiging reaksyon ng mga manonood noong umere ang kanilang pilot episode. Wika pa ni Dennis sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, "N'ung una medyo lahat kami kinakabahan dahil hindi ito 'yung ordinaryong soap opera na napapanood nila and hindi ko alam kung papaano ie-embrace 'yun ng mga viewers." Hindi kasi napanood ni Dennis ang pilot episode dahil tumungo itong Estados Unidos kasama ang "Temptation of Wife" co-star na si Glaiza de Castro. "Sa awa ng Diyos, maganda naman, maraming nanood at talagang halos lahat positive feedback," dagdag nito. — Mac Macapendeg/KBK, GMA News