ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jeric Gonzales, nais magamit ang kaniyang tinapos na kurso


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Mula nang manalo si Jeric Gonzales sa GMA reality talent search na "Protégé: Battle for The Big Artista Break" noong Oktubre 2012, marami na itong naipundar na mula sa kanyang isang-milyong piso na cash prize kabilang na ang paglipat nito sa isang condominium sa Pasay City at pagbili ng second hand na sasakyan na ginagamit nito para sa mga taping.

Kwento ni Jeric sa blog conference kamakailan sa pinagbibidahang serye na "Pyra: Ang Babaeng Apoy," "Sa ngayon nakapag-move na ako sa condo[minium] sa Pasay and bumili akong second hand na car na Innova pang taping."

Patuloy pa niya, "Shinare [share] ko sa family ko ang natirang cash and nagpa-plan ako na bumili ng house kung magkakaroon ng pera."

Ayon pa kay Jeric, ang ina niya ang humahawak at namamahala ng kaniyang pera.

"Yung nanay ko kasi ang nagma-manage (ng pera). Kasi ako, kahit nasa tamang age na ako, 21 na ako, hindi pa ako marunong maghawak ng pera kaya sa kanya ko pinapahawakan and siya na ang nagma-manage," pag-amin ng binata.

"Sabi ko, mag-ipon kami parehas para kapag may naisipan akong business or bahay na bibilhin, mabibili namin," dagdag niya.

Pero bago pasukin ang negosyo, nais ni Jeric na mag-board (nursing board exam) at maipagpatuloy ang kaniyang nursing profession.

Nakapagtapos si Jeric sa kursong Bachelor of Science in Nursing bago pa man ito pumasok sa show business.

Showbiz o nursing?

Isa umano sa mga mahirap na desisyon na kinakaharap ni Jeric ngayon nasa entertainment business na siya ay kung iiwan ba nito ang kanyang trabaho upang ipagpatuloy ang kanyang iniwang propesyon.

"'Yan ang mahirap na decision kasi sa nursing kailangan focus ka. Sa case ko, matagal akong nawala kaya kailangan  mag-allot ako ng refresher course-- siguro matagal 'yon mga three months. Siguro mawawala ako sa showbiz kapag ganon," paliwanag niya.

Sa ngayon, pursigido ang "Pyra" leading man na pagbutihin na muna ang kaniyang trabaho bilang aktor.

"Sa ngayon talaga, dito muna sa showbiz dahil nandito yung break and minamahal ko na yung trabaho kaya gusto kong [galingan] pa ang craft," giit nito.

Sa katunayan, nais niyang makatrabaho ang ilang sa mga bituin ng GMA Network gayundin, ang mga tinitingalang aktor dito sa bansa upang mapaghusay pa ang kanyang pag-arte.

Wika ng aktor, "Gusto kong makaparehas siyempre ang mga leading lady na magagaling dito sa GMA. Like sina Lovi Poe, sina Ms. Marian [Rivera], makasama ko sila sa show, and lahat ng magagaling na artista na marami pa akong matutunan dito sa craft."

Nais din niyang makilala bilang mahusay na leading man gaya ng mga hinahangaang aktor na sina John Lloyd Cruz, Coco Martin, at Dingdong Dantes.

Enjoy sa "Pyra"

Kasabay nito, masaya si Jeric sa kanyang mga kasamahan sa trabaho sa After GMA teleserye na "Pyra: Ang Babaeng Apoy."

Kwento ni Jeric, "So far, sobrang enjoy. Noong una talagang nag-a-adjust pa ako kaya medyo nahirapang [at] pressured pero, siguro mga fourth week or fifth, doon na-start na-enjoy to the point na hindi na ako napapagod sa work kahit magdamag. Kahit sunud-sunod ang eksena ko talagang hindi [ako] napapagod."

Gumaganap si Jeric bilang si Jeffrey Calida sa nasabing palabas.

"And then, yung mga kasama ko sobrang ang babait lalo na sila Gladys Reyes, sila Kuya Janno [Gibbs]-- talagang lagi nila kami ina-advisan [advice] tungkol sa showbiz. Ang maganda kasi sa'min sa taping, sama-sama kami sa isang room, hindi kami naghihiwalay kaya may bonding kami," saad nito.

Ruru Madrid

Samantala, madalas naikukumpara ang aktor sa kasamahan nito sa Protégé na si Ruru Madrid. Mayroon naman kayang kompetisyon sa pagitan nilang dalawa?

Sagot ni Jeric: "Masaya naman ako sa lahat nang naa-achieve namin, lahat ng Protégés kasi iisa naman 'yong pinanggalingan namin kaya nakaka-proud din."

Dagdag pa niya, "Pero wala namang inggitan na nangyayari. We see to it na in touch pa rin kami tapos nag-aadvice kami sa isa't isa."

Napapanood si Ruru sa GMA Primetime soap opera na "Akin Pa Rin Ang Bukas," Sunday variety show na "Sunday All Stars," at weekly teen-oriented suspense-drama show na "Dormitoryo." -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News