Filtered By: Showbiz
Showbiz

Fear of flying still bugs actress Caridad Sanchez, 71


Taong 1968 nang huling sumakay ng eroplano ang veteran actress na si Caridad Sanchez. Matinding trauma kasi ang kanyang naramdaman nang makita niya na nanginginig sa takot si Helen Gamboa habang nakasakay sila sa isang domestic flight. Mula noon, isinumpa ni Caridad na hinding-hindi na siya sasakay ng eroplano. Ang phobia ni Caridad sa pagsakay sa eroplano ang dahilan kaya tinanggihan niya ang mga alok na pelikula na kukunan sa ibang bansa, tulad ng Australia at Hong Kong. Hindi nagpasilaw sa mataas na talent fee ang veteran actress dahil umiral sa kanya ang sobrang takot sa pagsakay sa eroplano. Ang phobia sa eroplano rin ang dahilan kaya hindi kasama si Caridad sa shooting ng action-adventure series ng GMA-7 na Asian Treasures sa ibang bansa. Nang mag-shooting ang cast sa Surigao, sumakay sa eroplano ang mga artista at production staff ng Asian Treasures samantalang sumakay naman ng barko ang 71-year old actress na gumaganap bilang Lola Miranda ni Elias (Robin Padilla) sa naturang teleserye. Nang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Caridad, ipinahayag nito na hindi niya alam kung mawawala pa ang phobia sa pagsakay sa eroplano at wala rin siyang balak na ma-conquer ang kanyang fear of flying. - Philippine Entertainment Portal