Filtered By: Showbiz
Showbiz

WATCH: Fitness tips from hot momma Ina Raymundo and hunky Rocco Nacino


Bukod sa kani-kanilang talento sa iba't ibang uri ng performance, kilala rin ang mga artista bilang ilan sa pinakamatiyagang mag-alaga sa kanilang kalusugan at pangangatawan upang mapanatili ang magandang image sa pelikula, stage, at telebisyon man.

Isa ang 36-year-old mom and actress na si Ina Raymundo sa itinuturing na hot mommas ng showbiz, at simple lang umano ang sikreto ng kanyang magandang pangangatawan kahit na matapos magsilang ng limang anak.

Aniya sa isang panayam sa 24 Oras nitong Sabado, bukod sa suspension exercises at Zumba, sinanay niya rin daw ang sarili na kumain nang mas madalas.



"Six small meals para sakto lang and hindi ako nagsu-sugar high or sugar low," payo ng aktres.

Samantala, masigasig na training naman sa martial arts ang sikreto ng Kapuso hunk na si Rocco Nacino.

Kasalukuyang seryoso sa martial arts training ang aktor lalo na at nagsimula na siyang lumaban sa jiu-jitsu tournaments sa loob at labas ng bansa, at nais niya raw patunayan na mapagtatagumpayan niya ito gaya na lamang ng tagumpay na nakamit niya sa pag-arte.

"This August lalaban ako, tapos September pupunta ako ng Japan para lumaban din," pagbabahagi ng Kapuso leading man.

Iilang beses na ring nakatanggap ng karangalan si Rocco sa larangan ng martial arts, gaya na lamang noong nanalo siya sa gold medal sa Rollapalooza, ang taunang kompetisyon para sa non-professional jiu-jitsu enthusiasts.

Bukod sa jiu-jitsu, hilig rin ng aktor ang muay thai at boxing, at mas nae-enjoy pa raw niya ito lalo na at game na game na sumasama sa kanyang fitness at strength training ang girlfriend niya na si Kapuso actress Lovi Poe.  — Bianca Rose Dabu/BM, GMA News