Filtered By: Showbiz
Showbiz

Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo, handa na sa pagdating ng kanilang ikatlong anak


Ilang buwan na ang nakalipas nang ibahagi ng batikang aktres na si Judy Ann Santos ang kaniyang pagbubuntis sa ikatlong anak nila ng TV host-actor na si Ryan Agoncillo, at tila handang-handa na nga ang mag-asawa sa pagdating ng kanilang bunso.

Bukod sa madalas na pag-e-ehersisyo, siniguro rin ni Juday na handa na ang mga bagay na kakailanganin nila sa araw ng pagpapanganak kay Juana Luisa o Baby Luna. 

Sa isang Instagram post, ibinahagi ng celebrity mom ang kaniyang tips sa mga katulad niyang nag-aabang na lamang sa pagdating ng kanilang anak.

Aniya, “Tips for moms about to give birth: Prepare your things even before the baby's arrival. Baka mapaaga pagdating mabuti ng handa. Change of clothes, nursing bra, baby's clothes, cotton balls, baby wipes, toiletries, maternity pads, books or anything that can keep you company while at the hospital, newborn diapers, alcohol (bring the things na pwedeng i-provide ng hospital para bawas sa bayarin), socks, (may pang-new year at pasko ako para masaya!)"

“At ang pinaka importante sa lahat? Your HUSBAND! To hold you, take videos and photos, to take care of you... And to pay for your hospital bills. Hehehe! #inabyoububba @ryan_agoncillo,” dagdag pa ni Judy Ann.

Magwa-walong buwan nang buntis ang aktres at inaasahan na nga ng lahat ang pagdating ni Luna kasabay ng pagpasok ng Bagong Taon.

Kamakailan lamang, idinaos na rin ang baby shower para sa magiging bunsong anak nina Ryan at Juday, kung saan nagtipon-tipon ang kanilang pamilya at mga kaibigan upang suportahan ang pamilya Agoncillo sa pagdating ng kanilang pinakabagong biyaya. 

 

 

—Bianca Rose Dabu/AT, GMA News