Filtered By: Showbiz
Showbiz

Chynna Ortaleza shares ‘new mom’ experiences


Sa kauna-unahang pagkakataon, ibinahagi ng Kapuso actress na si Chynna Ortaleza ang kaniyang mga karanasan bilang isang ina sa kaniyang panganay na si Stellar at bilang asawa sa singer-actor na si Kean Cipriano.

Inamin ni Chynna noong Huwebes sa “Yan Ang Morning” na isa siyang hands-on at overprotective na ina siya.

Kuwento niya, “Noon, ayoko pang na ipagkatiwala si Stellar sa kasama namin. Ang weird. Kahit sa parents ko, o kay Kean. Minsan, sinasabi ko, 'Hindi, ako na, ako na.' Protective ako. OA talaga. Kasi kakapanganak ko pa lang. Nandoon pa ako sa stage na lahat ay dini-discover ko."

"Iba rin. Sobrang saludo ako sa moms. Iba talaga siya. Ito ang pinaka-fulfilling, pinakamasayang ginawa ko sa buong buhay ko,” dagdag pa ng Kapuso actress.

Bukod sa pagbuo nina Chynna at Kean ng kanilang sariling pamilya, ikinatuwa rin ng kanilang mga tagahanga ang kakaibang pangalan ng kanilang anak.

Ayon sa aktres, nakuha raw nila ito sa kanta ng kanilang paboritong banda.

Aniya, “Kami ni Kean, favorite band namin ang Incubus. Eventually, noong naging magkaibigan kami, sine-share namin 'yung favorite songs namin sa isa't isa. Isa doon 'yung Stellar. Noong nalaman naming magkaka-baby kami, sabi niya, 'Bakit hindi Stellar ang ipangalan natin sa baby natin?'”

Nagpapasalamat si Chynna na kasabay ng mga pagsubok at tagumpay na kaakibat ng pagiging isang bagong ina, hindi siya kailanman pinabayaan ng kaniyang asawa.

Aminado pa nga ang aktres na nagiging emosyonal siya paminsan-minsan dahil sa mga bagong karansanan niya, ngunit hindi raw nabibigo si Kean na maging positibo para sa kaniya at sa kanilang anak.

“Diyan ako nagulat sa asawa ko. Si Kean, rakista, hindi ba? Astig raw, sabi nila... Pero 'yung dedication niya kay Stellar at sa akin. Noong nagbubuntis ako, 'yung support niya, more than 100%.  Alam kong hindi siya mawawala sa tabi ko. Gusto niya nandoon siya noong magde-deliver ako,” pahayag niya.

Dagdag pa ni Chynna, “Lagi niya akong pina-prop up. Minsan madadatnan niya ako sa bahay na umiiyak. Nagwo-worry ako kung tama ba 'yung ginagawa ko. Siya, sobrang positive. Sobrang happy ako na nahanap ko 'yung tamang tao para sa akin.”

Matatandaang kinumpirma ng kaniyang asawa at singer-actor na si Kean Cipriano ang kanyang pagbubuntis noong nakaraang Abril, tatlong buwan matapos nilang ibahagi ang balita ng kanilang pagpapakasal. — Bianca Rose Dabu/LBG, GMA News